Sinuro ng cargo truck 2 PATAY, 3 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 8 SASAKYAN

CAVITE – Patay ang driver ng isang motorsiklo at ang driver ng isang sasakyan, habang sugatan ang angkas ng motorsiklo at dalawang pedestrian kabilang ang 5-anyos na estudyante ng Day Care, at nagresulta rin sa pagkasira ng walong sasakyan makaraang nagkarambola ang mga ito nang mabangga ng isang cargo truck ang isa sa mga sasakyan sa bayan ng Silang sa lalawigan noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang mga namatay na sina alyas “Archie”, 42, ng Puting Kahoy, Silang Cavite, driver ng isang Yamaha Mio 125, at “Christian”, 44, driver ng isang sasakyan, habang sugatan si alyas “Josephine”, 37, backride ng nasawing driver ng motorsiklo, pedestrian na si “Geraldine”, 34, at “Kenshin”, 5-anyos, estudyante ng Day Care.

Kabilang naman sa mga sasakyan na nasira ang isang itim na Mitsubishi Xander na may plakang NFM 3588 (V2); isang itim na Honda ADV (V3); isang extreme black na Toyota Fortuner na may plate no. NaSam 04 (V4); isang puting Mitsubishi L300 na may plakang Dad 9824 (V5), isang puting Kia SOLUTO na may plakang NHB 1831 (v6); isang puting Chery Tiggo na may plakang NGC 2295 (V7); at isang Mitsubishi Pajero na may plakang CSJ 740 (V8).

Pinaghahanp naman ang driver ng bumanggang sasakyan na isang blue na Isuzu cargo truck na may plakang RHW 532, na nakarehistro sa Balayan, Batangas, na minamaneho ng ‘di nakilalang driver na tumakas.

Base sa CCTV footage, lahat ng mga sasakyang sangkot ay binabagtas ang northbound at magkakasunod sa nasabing lane sa kahabaan ng Sta. Rosa – Tagaytay Road, Sitio Muzon, Brgy. Puting Kahoy Silang, Cavite nang mangyari ang insidente bandang alas-7:20 ng umaga.

Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, nabangga ng driver ng isang Isuzu truck ang motorsiklo na minamaneho ng biktima at angkas nito at dahil sa lakas ng impact ay nabangga nito ang iba pang nakahilerang mga sasakyan.

Sa nasabi rin insidente, nabangga naman ng motorsiklo ang mga pedestrian dahilan upang tumilapon ang driver ng motorsiklo at angkas nito, na nagresulta sa kanilang pagkakasugat.

Pagkaraan ng insidente, patuloy pa ring pinaandar ng driver ang minamanehong Isuzu cargo truck sa direksyon ng northbound ng Sta. Rosa City, Laguna, at kalaunan ay bumaba saka tuluyang tumakas.

Patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang driver ng Isuzu Truck.

(SIGFRED ADSUARA)

121

Related posts

Leave a Comment