ILLEGAL TREE CUTTING SA MT. BANAHAW, NAPIGILAN

ILLEGAL TREE CUTTING

 (Ni JUN V. TRINIDAD)

SARIAYA, Quezon – Nahadlangan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Tanggol Kalikasan-Southern Luzon (TK-SL),  ang planong iligal na pagputol sa mga punong kahoy sa Mount Banahaw sa lalawigan ng Quezon.

Sa pamumuno ni Salud Pangan, DENR park superintendent para sa Mount Banahaw-San Cristobal protected area, kasama ang kanyang forest rangers at TK-SL staff, isinagawa nila ang operasyon sa Banahaw sakop ng Barangay Sampaloc Bugon sa bayang ito kaninang 6:00 ng umaga.

Natagpuan nila sa lugar ang isang bagong putol na puno ng “Malauban” na tinatayang 60 taon ang edad kasama ang mga nakatambak na mga bagong lagaring tabla.

Nasakote rin ng grupo ang dalawang lalaki na naghahakot ng mga pinutol na kahoy.

“Isasailalim sila sa imbestigasyon upang alamin kung sino ang nasa likod ng iligal na pamumutol ng punong kahoy,” ani Pangan.

Narekober din ng grupo ang isang abandonadong pugad ng “wild doves” na may tatlong itlog mula sa sanga ng pinutol na puno.

Ayon kay Jay Lim, host ng radio/television program “Kasama ng Kalikasan” sa Channel 6 at 95.1 FM sa Tayabas City at kasama rin sa operasyon, tumanggap ang kanilang program ng impormasyon mula sa kanilang mga “kalikasters” tungkol sa isinasagawang iligal na pupumutol.

“Ang ang ‘kalikasters’ ang siya naming mata at tainga. Sila ay mga trained informers, field reporters/broadcasters na katulong namin sa pagmo-monitor ng mga protected area,” ang paliwanag ni Lim.

Batay sa impormasyon, sinabi ni Lim na balak ng mga iligal na mamumutol na putulin ang marami pang matatandang puno sa nasabing bahagi ng Banahaw.

“Dahil nabisto sila, nahadlangan namin ang kanilang balak,” ani Lim.

Ayon kay Pangan, batay sa inisyal na imbestigasyon, ang mga pinuputol na punong kahoy ay gagamitin sa repair at paggawa ng bahay nang mga naninirahan sa nasabing barangay.

“Hindi para ipagbili ang mga lumber. Pero kahit na pansariling gamit, bawal pa rin ang pagpuputol ng punong kahoy sa loob ng protected area,” ang paliwanag ni Pangan.

Ang tinatayang 10,901 ektaryang Mount Banahaw-San Cristobal protected area ay bahagi ng mga bayan ng Lucban, Tayabas, Sariaya, Candelaria at Dolores sa lalawigan ng Quezon gayundin ang mga munisipalidad ng Rizal, Nagcarlan, Liliw at Majayjay and San Pablo City sa probinsya ng Laguna.

Idineklarang protected area ang Mount Banahaw at ang katabing Mount San Cristobal sa ilalim ng Republic Act No. 9847.

392

Related posts

Leave a Comment