NAGBITIW sa puwesto si PNP-Highway Patrol Group Director PBGen. Jessie Tamayao kasunod ng reklamong sexual harassment na isinampa laban sa kanya sa National Police Commission (Napolcom).
Itinanggi ni Tamayao ang mga alegasyon at iginiit na hindi pag-amin sa kasalanan ang kanyang boluntaryong pagbibitiw, kundi hakbang upang mabigyan ng patas at transparent na imbestigasyon ang kaso.
Batay sa reklamo, isang policewoman ang nagtungo sa Napolcom at nagsumite ng limang pahinang salaysay kung saan inakusahan niya ang heneral ng umano’y panghihikayat sa sexual activity, hindi angkop na paghipo, at pagbabanta ng reassignment sa Mindanao kung hindi siya susunod.
Ayon kay Tamayao, sa loob ng 30 taon niyang serbisyo sa PNP ay pinanatili niya ang pagiging propesyonal at paggalang sa kanyang mga kasamahan at sa publiko.
Sinabi rin niyang hindi niya batid ang motibo sa likod ng reklamo at posibleng may personal na dahilan ang nagsampa nito.
Ipinahayag ng opisyal na handa siyang humarap sa anomang imbestigasyon upang malinis ang kanyang pangalan.
(TOTO NABAJA)
111 