OSMA NAKAPAGSAGAWA NG UNANG CORONARY ANGIOPLASTY

PUMASOK sa panibagong yugto ng serbisyong pangkalusugan ang Ospital ng Maynila Medical Center matapos maisagawa ang kauna-unahang matagumpay na coronary angioplasty procedures nito.

Ayon kay Manila City Health Officer Grace Padilla, dalawang angioplasty procedures ang matagumpay na naisagawa noong Marso 27.

“We are very excited and happy to announce na nagawa natin ang dalawang successful cases of angioplasty,” ani Padilla.

Ang milestone ay naisakatuparan ilang buwan matapos buksan ng lungsod ang catheterization laboratory noong Setyembre 2025, na nagsimula sa angiogram bago umusad sa mas advanced na procedures.

Ipinaliwanag ni Padilla na ang angioplasty ay isang minimally invasive procedure na nagbubukas ng barado o kumikipot na arteries sa puso, na maaaring magdulot ng heart attack kapag hindi maagapan.

Sa proseso, ipinapasok ang catheter mula sa braso upang matukoy ang bara at maglagay ng stent na magpapanumbalik sa normal na daloy ng dugo.

Ayon pa sa opisyal, maaari nang makauwi ang pasyente sa loob ng isa hanggang dalawang araw matapos ang procedure.

Karaniwang umaabot sa P1 milyon hanggang P1.5 milyon ang angioplasty sa mga pribadong ospital, ngunit inaalok ito ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila nang libre o may minimal na bayad.

Pinuri rin ni Padilla ang suporta ni Manila Mayor Francisco Domagoso at ang dedikasyon ng medical team ng ospital.

“‘Wag po kayong mahihiya na pumunta sa Ospital ng Maynila at ia-accommodate po natin kayo sa abot po ng aming makakaya,” aniya. (BP)

45

Related posts

Leave a Comment