5 PULIS PATAY, 3 SUGATAN SA AMBUSH SA MAGUINDANAO

AGAD ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang agarang manhunt operation laban sa grupong nanambang sa mga kagawad ng PNP-2nd Provincial Mobile Force Company na ikinasawi ng limang pulis at ikinasugat ng tatlong iba pa sa Maguindanao del Sur nitong Sabado ng gabi, Marso 28.

Ayon kay General Nartatez, kinokondena ng buong PNP organization ang pag-atake ng hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan na itinuturing din na pag-atake sa kabuuan ng Pambansang Pulisya.

Ipinag-utos ni Nartatez ang malalimang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan ng mga salarin at huwag tantanan ang paghahanap para papanagutin sa batas ang mga ito.

Ayon sa ulat, inatake ng hindi pa nakikilalang armadong mga suspek ang mga miyembro ng 2nd Provincial Mobile Force Company habang pauwi sa kanilang detachment lulan ng patrol vehicle na may body number 767, matapos magsagawa ng patrol at police visibility operations.

Samantala, kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga sugatang police personnel habang inilunsad ng mga pulis ang maigting na hot pursuit operations, kasama ang Armed Forces of the Philippines upang matukoy at mahuli ang mga responsableng indibidwal.

(JESSE RUIZ)

101

Related posts

Leave a Comment