OFW SA KUWAIT NAGPAPASAKLOLO SA PANG-AABUSO NG AMO

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

NANAWAGAN ng agarang tulong ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait dahil sa nararanasang matinding pang-aabuso mula sa kanyang employer. Ang biktima ay kinilalang si Juliet Maguan, isang domestic worker na dumating sa Kuwait noong Hulyo 5, 2024 upang magtrabaho at suportahan ang kanyang pamilya sa Pilipinas.

Dumulog sa akin si Tupi, South Cotabato Councilor Mao Yabut upang humingi ng tulong at agarang aksyon mula sa Department of Migrant Workers (DMW). Nabatid na kasalukuyang naninirahan ang pamilya ni Maguan sa Barangay Kalkam, Tupi, South Cotabato, at labis na nag-aalala sa kalagayan ng kanilang kaanak sa ibang bansa.

Sa impormasyong ibinahagi ng pamilya, si Maguan ay nagtatrabaho sa Abu Fatira, sa Kuwait, sa ilalim ng employer na si Abdullah. Siya ay na-recruit sa pamamagitan ng LMB Agency sa Maynila at ipinadala sa abroad sa pamamagitan ng Bhotaina Agency.

Ayon sa reklamo, madalas umanong sinasaktan si Maguan ng kanyang amo. Bukod dito, pinakakain lamang siya ng panis na pagkain at hindi rin umano naibibigay sa tamang oras ang kanyang sahod. Ang ganitong sitwasyon ay nagdulot ng matinding pisikal at emosyonal na paghihirap sa OFW.

Ipinahayag ng pamilya ang kanilang pangamba sa kaligtasan ni Maguan, lalo na’t wala umano itong sapat na kakayahan upang ipagtanggol ang sarili sa bansang kanyang pinagtatrabahuan. Dahil dito, humihiling sila ng agarang interbensyon mula sa pamahalaan upang mailigtas si Maguan at mapauwi na sa Pilipinas.

Samantala, inaasahan na kikilos ang Department of Migrant Workers katuwang ang Migrant Workers Office (POLO) at ang Embahada ng Pilipinas sa Kuwait, upang masuri ang kalagayan ni Maguan at mabigyan siya ng kinakailangang proteksyon at tulong.

Muling binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng agarang pag-uulat ng mga kaso ng pang-aabuso laban sa mga OFW upang agad itong matugunan. Pinayuhan din ang pamilya ng mga OFW na manatiling nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay sa ibang bansa.

Naipadala na po natin kay Atty. Sherilyn Malonzo ng OWWA, at kay Director Charles Tabbu ng Department of Migrant Workers, ang sumbong na ito.

Sa kasalukuyan, patuloy ang panawagan ng pamilya ni Juliet Maguan para sa hustisya at agarang aksyon, habang umaasa silang makauuwi nang ligtas ang kanilang kaanak at mabibigyan ng kaukulang proteksyon laban sa kanyang inaakusahang abusadong employer.

100

Related posts

Leave a Comment