KINONDENA ng Philippine National Police (PNP) ang magkasunod na pananambang sa Mindanao na nagresulta sa pagkasawi ng ilang pulis at sibilyan.
Ayon sa ulat, noong Marso 18 ay inambush ang isang miyembro ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa Barangay Paglamatan, Saguiaran, Lanao del Sur, kung saan nasawi rin ang kanyang kasamang sibilyan.
Makalipas ang ilang oras, tinambangan naman ang walong pulis sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur habang pabalik mula sa kanilang checkpoint operation. Lima sa mga pulis ang nasawi habang tatlo ang nasugatan.
Dahil dito, iniutos ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mas pinaigting na operasyon upang mahuli ang mga responsable at maiwasan ang mga susunod pang pag-atake.
Sinabi ni Nartatez na ipinapakita ng mga insidente na nananatiling banta ang mga armadong grupo sa Mindanao, at tiniyak niyang hindi papayagan ang ganitong uri ng karahasan.
Naglabas din ng direktiba ang PNP Chief sa ground commanders, partikular sa Police Regional Office–BARMM, upang palakasin ang koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mas mahigpit na seguridad sa mga apektadong lugar.
(TOTO NABAJA)
89 