RAPIDO ni PATRICK TULFO
SINAMPAHAN ng kasong cyberlibel ang inyong lingkod ng isang pulis ng Limay, Bataan.
Ito ay nag-ugat nang isulat ko sa pitak na ito ang ‘di niya pagkausap o pagharap sa kanyang nasagasaan noong September 26, 2025.
Lumapit sa aming tanggapan si Gng. Angelita Gruela ng Reformista, Limay, Bataan dahil hindi na umano nakikipag-usap sa kanya si PSSG. Lotes Bascara, na nakasagasa sa kanya.
May kasunduan umano sina Gruela at Bascara na ipagagamot ang huli hanggang sa ito ay gumaling. Pero ayon kay Gng. Gruela, makalipas ang ilang linggo ay hindi na nagpapadala ang pulis ng maglilinis ng kanyang sugat at ‘di na rin nagpapadala ng pambili ng gamot kahit nagboluntaryo na ang anak nito na sila na lang ang bibili kung busy ang pulis, pero wala na raw itong paramdam. Halos mabulok na at muntik nang maputol ang paa ng ginang sa impeksyong inabot ng kanyang sugat.
Tinangka rin umano ng ginang na makaharap ang pulis sa barangay pero hindi ito sumisipot, dahilan upang bigyan sila ng Certificate To File Action.
Nang matanggap namin ang reklamo ni Gng. Gruela, makailang ulit naming tinawagan ang opisina ni PSSG. Bascara pero hindi namin siya nakakausap kahit na iniwan namin ang aming contact number, ito ay nakatala rin sa salaysay ng pulis na naka-duty noong araw na iyon. Sa aming programa rin sa radyo ay sinubukan din naming kunin ang kanyang panig pero wala pa rin.
Dito na nagpasya ang inyong lingkod na isulat ang reklamo ni Gng. Gruela sa pitak na ito upang sa pamamagitan nito ay mapaabot sa police woman ang reklamo.
Matapos nga nito, kasama si Gng. Gruela ay nagtungo kami sa National Police Commission (NAPOLCOM) Region 3 upang magsampa ng reklamo laban kay Sarhento Bascara.
Sa pakikipag-usap ni Ginang Gruela sa opisyal ng NAPOLCOM, nakakita sila ng merito upang ituloy ang reklamo.
Dito na nagsampa ng kaliwa’t kanang kaso ang pulis. Kinasuhan niya si Gng. Gruela at ang inyong lingkod ng cyberlibel.
Sa huling usapan namin ni Gng. Gruela, nakapagharap na umano sila ng pulis sa NAPOLCOM. Matapos umano ang hearing, sinabi umano ng pulis na iuurong niya ang demanda kung babawiin ng ginang ang kaso niya sa NAPOLCOM.
Uulitin namin, hindi sana aabot ito sa pagsasampa ng kaso ng ginang sa NAPOLCOM kung inayos na lang ng pulis ang kanyang naaksidente. Hindi naman ginusto ng ginang na masagasaan siya at halos mabulok ang kanyang paa. Imbes na makipag-ayos ay mas pinili pa ng pulis na ito na mag-ubos ng oras sa pagsasampa ng kaso.
Pero ayon umano sa NAPOLCOM, kahit na iurong pa ni Gng. Gruela ang kanyang reklamo sa pulis ay tuloy pa rin ang kaso ng NAPOLCOM sa nasabing pulis na “Unbecoming of a Police Officer” dahil sa ipinaabot pa nito sa NAPOLCOM ang reklamo imbes na tulungan ang kanyang naagrabyado.
96 