HAWAK na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tatlong kadete na sangkot sa insidente ng hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA) noong Abril 3, 2026.
Ayon kay PNPA Director PMGen. Andre Dizon, inilipat sa kustodiya ng CIDG ang mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinasabing sangkot ang mga ito sa hazing ng 22 fourth class cadets sa loob ng PNPA Academy sa Camp Castañeda, Silang, Cavite noong Byernes Santo.
Batay sa ulat, nagtamo ng mga paso at lapnos sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima—kabilang ang likod, binti at maging sa maseselang bahagi—matapos umano silang pahiran ng pinaghalong kemikal na drain cleaner at muriatic acid gamit ang toothbrush.
Lumabas sa imbestigasyon na isinagawa ang hazing bilang parusa sa mga underclassmen matapos umanong sisihin ang mga ito sa hindi pagpigil sa isang kasamahan na nagbabalak mag-resign.
Sa ngayon, nahaharap na ang mga suspek sa kasong administratibo at paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act of 2018, na maaaring magresulta sa kanilang pagtanggal sa akademya.
Isinailalim na rin sa inquest proceedings ang mga suspek.
Samantala, inalis sa puwesto ang Tactical Officer na naka-duty noong araw ng insidente bilang bahagi ng prinsipyo ng command responsibility.
Nag-utos na rin ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ng full-scale investigation sa insidente.
Dahil dito, pansamantalang sinuspinde ang lahat ng aktibidad ng mga kadete sa PNPA upang bigyang-daan ang masusing imbestigasyon at matiyak ang seguridad ng mga estudyante.
(TOTO NABAJA/SIGFRED ADSUARA)
100 