PAGKASO KAY CHIZ GAGAMITING PANSAGIP KAY MARTIN?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TAKTIKA nga lang ba ni Ombudsman Boying Remulla ang bantang paghahain ng kasong plunder laban kay Senator Chiz Escudero?

Tanong ito ng mga nagdududa sa hakbang ng Ombudsman dahil posible umanong nais lamang nitong magmukhang patas at balanse ang proseso ng pag-abot ng hustisya.

Mas naniniwala kasi sila na sa dulo nito ay maaabswelto si dating House Speaker Martin Romualdez na sinasabing kasama sa mga kakasuhan.

Kung nasusubaybayan ninyo ang social media, iisa ang paniniwala ng nakararami na si Romualdez ang siyang pangunahing personalidad sa flood control corruption, at hindi na siya maitatago pa ng kanyang mga tagapagtanggol. Sa katunayan, bumaba nang husto ang trust at performance ratings ni Pangulong Bongbong Marcos dahil sa patuloy na pagprotekta kay Romualdez mula pa noong simula.

Ngunit ayon sa ilang observer, may nakikita pang paraan si Ombudsman Boying upang mailigtas ang kanyang fraternity brother sa UP Upsilon Sigma Phi na si Romualdez, sa pamamagitan ng pagdamay kay Escudero, dahil hindi maaaring si Romualdez lamang ang kakasuhan dahil tiyak na mapapahamak. Sa planong ito, kakasuhan silang dalawa, ngunit ipawawalang-sala ang senador at kasabay nito’y ang pag-abswelto rin sa kongresista. Sa ganitong paraan, nagagamit lamang si Escudero upang magmukhang lehitimo ang proseso at magsilbing “parachute” sa eventual na pag-abswelto kay Romualdez.

Marami ang nagsasabi na walang basehan ang pagkakadawit kay Escudero. Sa naunang findings kasi, hindi siya pinangalanan at hindi rin kabilang sa mga inirekomendang kasuhan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa katunayan, sa kanilang dalawa ay si Romualdez lamang ang nirekomendang kasuhan.

Pinagdududahan din ang ipinipilit ni Ombudsman Boying na may sabwatan sina Escudero at Romualdez.

Una, hindi raw magkasundo ang dalawa at magkaiba ang kanilang linya, posisyon, at papel sa usapin ng budget.

Pangalawa, si Escudero pa nga ang isa sa mga unang nagbunyag ng posibleng pananagutan ni Romualdez. Maging si Vice President Sara Duterte ay nagsabi na si Escudero mismo ang kumausap kay Pangulong Marcos tungkol sa mga anomalya sa national budget na kinasasangkutan nina Romualdez at dating House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co.

Ayon din kina Senator Ping Lacson at DPWH Secretary Vince Dizon, ang tinatawag na ghost flood control projects ay lumala noong 2023 at 2024.

Ibig sabihin, wala si Escudero sa posisyon ng kapangyarihan noong nag-umpisa ang problema. Hindi siya Senate President noon dahil si Senator Migz Zubiri pa ang nakaupo. Hindi rin siya ang may hawak ng budget process sa Senado dahil si Sonny Angara pa ang chairman ng Senate Committee on Finance.

Kung pagbabasehan naman ang sinasabi ni Ombudsman Boying na may anomalya na noon pang panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, si Lord Allan Velasco pa ang House Speaker noon habang si Senate President Tito Sotto naman ang counterpart nito sa Senado.

Wala talagang lohika ang bersyon ni Ombudsman Boying na may conspiracy sa pagitan nina Escudero at Romualdez. Alam ng mga insider na magkaaway ang dalawa. Paanong magkakaroon ng sabwatan kung si Escudero pa nga ang unang nagbunyag ng mga kababalaghan sa paggastos ng national budget na kinasasangkutan ni Romualdez?

Hindi dapat naglalatag ng paratang kung hindi tugma sa katotohanan. Kailangang naaayon ito sa timeline, sa papel ng bawat isa, at sa aktwal na tala.

Kung idinadagdag lang ang pangalan para magmukhang patas ang kaso, hindi ito paghahanap ng katotohanan kundi pagtatangkang palabnawin ang kaso laban sa tunay na may sala.

109

Related posts

Leave a Comment