TIGIL-PUTUKAN SA MIDDLE EAST, SANA TUMAGAL PA

LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS

MAAARING magdulot ng bahagyang pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas, ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel-US at Iran.

Ayon sa oil industry sources, posibleng bumaba ang presyo ng diesel sa P2.50 hanggang P3.40 kada litro, at gasolina sa humigit-kumulang P1.00 kada litro.

Gumagamit ang Pilipinas ang langis mula sa iba’t ibang bansa, kaya’t ang tigil-putukan sa Gitnang Silangan na naging dahilan ng pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ay magandang balita para sa bansa.

Bunsod nito, maaari na ring bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas kasunod ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Gayunman, ang inaasahang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay hindi agad-agad na mararamdaman at maaaring tumagal pa.

Bukod dito, ang tigil-putukan ay pansamantala lamang at ang kahihinatnan nito ay nakasalalay sa kung ano ang magiging resulta ng negosasyon ng dalawang panig.

Bilang tugon sa krisis, ang gobyerno ay nagkaloob ng fuel subsidy para sa mga apektadong sektor, tulad ng mga operator at driver ng public utility vehicles (PUV).

Kabilang din sa ipinatupad na hakbang ng gobyerno ang:

Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD): nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga manggagawa sa informal sector;

DOLE Integrated Livelihood Program (DILP): tumutulong sa mga marginalized groups tulad ng mga self-employed, unpaid family members, at mga manggagawang may mababang sahod;

Government Internship Program (GIP): nagbibigay ng oportunidad sa internship para sa mga kabataang may edad 18-30;

Special Program for Employment of Students (SPES): nagbibigay ng pansamantalang trabaho sa mga estudyanteng nangangailangan.

Ang pagbaba ng presyo ng langis ay makatutulong sa paghupa ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa, pero hindi pa sigurado kung gaano kalaki ang epekto nito sa kabuuang ekonomiya.

Hindi sapat ang ipinatutupad na mga programa ng pamahalaan para lubusang makaahon ang taumbayan sa dinaranas na krisis ng bansa kaya naman dapat magpatupad ang pamahalaan ng solusyong pangmatagalan katulad ng paggamit ng renewable energy katulad ng solar, wind, at hydro.

Hindi habang panahon ay dapat umasa ang Pilipinas sa langis mula sa ibang mga bansa na patuloy namang tumataas ang presyo.

Dapat magkaroon tayo ng sarili nating mapagkukunan ng enerhiya para hindi na muling maapektuhan ng sigalot sa ibang bansa na nagdulot ng kahirapan sa taumbayan.

98

Related posts

Leave a Comment