TANDEM HOLDAPER NASUKOL; 1 PATAY, 1 ARESTADO

PATAY ang isa habang nadakip ang kasama nang masukol ng mga pulis ang dalawang hinihinalang riding-in-tandem holdaper na sangkot sa sunod-sunod na pagnanakaw sa mga sangay ng isang convenience store sa San Juan, Batangas.

Ayon sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, kinilala ang mga suspek na sina Lex Gregorio, residente ng Brgy. Linga, Calamba City, Laguna, napatay sa insidente; at Angelo Bahain Ramirez, 24-anyos, residente ng Brgy. Banlic, Calamba City, Laguna, naaresto ng mga awtoridad.

Isinagawa ang hot pursuit operation bandang alas-8:30 ng gabi noong Miyerkoles, Abril 15, sa Purok 1, Barangay San Agustin, Tiaong, Quezon, matapos humingi ng tulong ang San Juan Police kaugnay ng insidente ng holdap.

Ayon sa imbestigasyon, namataan ng mga operatiba ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na tumutugma sa deskripsyon ng sasakyan na ginamit sa krimen.

Tinangka silang pahintuin ng mga pulis, ngunit hindi tumigil sa halip ay nagpaputok umano ang backrider na si Gregorio, dahilan upang gumanti ang mga awtoridad.

Sa palitan ng putok, tinamaan sa ulo si Gregorio na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Sugatan naman at naaresto si Ramirez sa isinagawang follow-up operation sa Sitio Baybayin, Barangay Pury, San Antonio, Quezon.

Nagalusan sa balikat ang isang pulis na kinilalang si PCpl. Ericson Rivera Cabangca habang tinamaan ng bala ang sasakyan ng mga operatiba.

Nasamsam mula sa mga suspek ang isang .45 kalibreng baril, magazine na may lamang bala, at ang motorsiklong ginamit sa krimen.

Nauna rito, bandang alas-7:35 ng gabi, hinoldap ng mga suspek ang isang sangay ng convenience store sa Laiya Aplaya, San Juan, Batangas at tinangay ang tinatayang P136,000 cash.

Ilang minuto lamang ang lumipas, pinasok din nila ang isa pang sangay sa Barangay Nagsaulay at tinangay ang humigit-kumulang P38,000 cash.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong robbery at illegal possession of firearms sa naarestong suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

70

Related posts

Leave a Comment