GINAWARAN ang asong si Trevor ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng hero’s burial dahil sa kanyang pagiging isang dedicated narcotics detection dog at sa kanyang malaking ambag sa anti-drug operations sa Caraga Region.
Isinagawa ang seremonya sa PDEA Regional Office XIII sa Butuan City, kung saan nagpaalam ang kanyang mga kasamahan sa isang emosyonal ngunit tahimik na memorial service para kanilang K9 partner.
Ayon sa necropsy report, namatay si Trevor dahil sa komplikasyon na kaugnay ng kanyang lahi, sa kabila ng agarang medikal na atensyon.
Ang limang taong gulang na Belgian Malinois ay tumulong sa maraming PDEA operations laban sa ilegal na droga at nakapag-ambag sa pagkakasamsam ng malaking halaga ng droga.
Isa sa kanyang huling nagawa ay ang pagkakadiskubre ng humigit-kumulang 14 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P95 milyon sa Lipata Port noong Marso 14, 2026.
“Known for his exceptional discipline, keen instincts, and loyalty, Trevor became a valued member of the unit and a symbol of commitment to public safety,” ayon kay PDEA Director General Isagani R. Nerez.
“This dog was more than an asset. It was a partner, a protector and a hero,” dagdag pa ni Nerez.
Inihanay si Trevor sa PDEA K9 Honor Wall bilang pagkilala sa kanyang tapang, katapatan, at sakripisyo.
(JESSE RUIZ)
62 