TIMBOG ang dalawang high-value Japanese fugitives na konektado sa international crime syndicate sa magkahiwalay na operasyon sa Mandaluyong at Maynila.
Kinilala ni PAOCC Executive Director Usec. Benjamin Acorda Jr. ang mga suspek na sina Sato Taiki at Masayuki Aoyagi.
Ayon sa ulat, si Taiki ay miyembro ng “Luffy Group” na sangkot sa mahigit 50 kaso ng nakawan sa Japan mula 2021 hanggang 2023, habang si Aoyagi ay kabilang sa JP Dragon Syndicate, isang transnational criminal organization na may ugnayan sa Yakuza.
Kapwa sila may kaso sa Japan at itinuturing na undesirable aliens sa Pilipinas.
Modus umano ng grupo ang paggamit sa bansa bilang base ng operasyon sa pamamagitan ng “online workstations” na nagsisilbing hub para sa telecommunications fraud.
Target ng mga ito ang mga matatanda na nililinlang upang makuha ang sensitibong financial information.
Na-turn over na ang mga suspek sa Bureau of Immigration Warden Facility habang inaayos ang kanilang deportation sa koordinasyon sa pamahalaan ng Japan.
(TOTO NABAJA)
129 