INIHAIN sa Kamara ang panukalang “Digital-by-Default Rule Act” na naglalayong gawing pangunahing paraan ang online platforms sa paghahatid ng serbisyo ng gobyerno.
Sa ilalim ng House Bill 8794, inaatasan ang mga ahensya na gawing ganap na available online ang kanilang mga pangunahing serbisyo bago sumapit ang Disyembre 31, 2028.
Ayon kay 1Tahanan Party-list Rep. Nathan Oducado, layunin ng panukala na mapabilis ang serbisyo at mabawasan ang red tape.
Mananatili pa rin ang pisikal na serbisyo para sa mga sektor na nangangailangan nito, kabilang ang persons with disabilities, senior citizens, at mga buntis.
Kasama rin sa panukala ang pagbuo ng National Digital Service Roadmap at monitoring ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Maglalaan din ng insentibo sa mga ahensyang maagang makasusunod, habang maaaring bawasan ng hanggang 10 porsiyento ang budget ng mga hindi tutupad.
(TINA MENDOZA)
101 