TARGET ni KA REX CAYANONG
SA darating na mga araw, inaasahang mas lalo pang palalawakin ang pagbibigay ng impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng radyo, kasabay ng opisyal na pagsisimula ng mga bagong segment ng programang “Target On Air” ng inyong lingkod sa DZME 1530 kHz, na mapakikinggan tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng hapon.
Ang naturang programa ay maglulunsad ng mga segment na “Oras ng Barangay” at “Mayor’s Hour,” na kapwa nakatuon sa pagbibigay ng direktang plataporma sa mga kinauukulan sa lokal na pamahalaan upang maiparating sa publiko ang kanilang mga programa, proyekto, at direksyon ng pamamahala.
Sa ilalim ng “Oras ng Barangay,” inaasahang mabibigyan ng mas malawak na boses ang mga barangay captain upang maipaliwanag ang kanilang mga inisyatibo, serbisyo, at konkretong hakbang para sa kapakanan ng kanilang nasasakupan.
Ito rin ay magsisilbing pagkakataon upang mailapit sa mamamayan ang mga serbisyong barangay na kadalasang hindi agad nabibigyang-pansin sa mas malawak na antas ng impormasyon.
Samantala, ang “Mayor’s Hour” naman ay inaasahang magiging mas mataas na antas ng talakayan kung saan ang mga alkalde ng lungsod at bayan ay magkakaroon ng pagkakataon na ilahad ang kabuuang direksyon ng kanilang administrasyon—mula sa mga pangunahing proyekto sa imprastruktura, serbisyong panlipunan, kalusugan, edukasyon, hanggang sa mga hakbang para sa kaunlaran ng ekonomiya sa lokal na antas.
Sa ganitong paraan, ang radyo ay hindi lamang magsisilbing tagapaghatid ng balita, kundi magiging aktibong instrumento ng transparency at accountability, kung saan ang mamamayan ay magkakaroon ng mas direktang access sa impormasyon mula mismo sa kanilang mga lider.
Inaasahan din na ang pagbubukas ng mga segment na ito ay makatutulong sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng bukas at tuloy-tuloy na komunikasyon sa pagitan ng mga opisyal at ng kanilang nasasakupan.
Ang “Target On Air” ay ibo-broadcast mula sa studio na matatagpuan sa 2nd Floor, Gatapia Building, Kadalagahan, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal—isang lugar na magsisilbing sentro ng mga talakayang may kinalaman sa pamahalaan at serbisyo publiko.
Ang mga paparating na segment na ito ay inaasahang magiging mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibo at participatory na pamamahala, kung saan ang boses ng barangay hanggang lungsod ay magkakaroon ng iisang daluyan ng pagpapahayag—ang radyo na bukas para sa mamamayan.
Abangan!
98 