NAGHAIN ng supplemental petition for certiorari sa Supreme Court of the Philippines sina Atty. Israelito Torreon, Atty. Resci Nolasco, at Atty. Jimmy Bondoc upang kuwestiyunin ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng mga abogado na pigilan ang pagpapatuloy ng impeachment proceedings at ideklarang walang bisa ang House Resolution No. 892 na umano’y nagbigay pahintulot sa House Committee on Justice na ipagpatuloy ang pagdinig kahit naka-recess ang House of Representatives mula Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026.
Iginiit ng mga petitioner na nagkaroon ng “grave abuse of discretion” ang komite nang magsagawa ito ng mga pagdinig, tumanggap ng ebidensya, at gumamit ng subpoena at iba pang kapangyarihan kahit walang plenary session.
Ayon sa kanila, ang impeachment ay isang prosesong nakapaloob sa Konstitusyon at maaari lamang isagawa sa mga araw na may aktwal na sesyon ang Kamara, o “session days,” at hindi maaaring palitan o palawigin sa pamamagitan lamang ng resolusyon.
Binanggit din sa petisyon ang mga isinagawang pagdinig noong Marso 25, Abril 14, 22, at 29, na anila’y mga substantive hearing na nakaapekto umano sa karapatan ng respondent at nagpalawak ng saklaw ng kaso.
Dagdag pa ng mga abogado, nilabag umano ng House Resolution No. 892 ang Konstitusyon dahil tinuring nitong session days ang mga araw ng recess at inalis ang oversight ng plenaryo.
Gayunman, nilinaw ng mga petitioner na hindi nila tinututulan ang pananagutan ng mga opisyal, kundi ang pagsunod sa wastong proseso na itinatakda ng batas at Konstitusyon.
(JULIET PACOT)
96 