MAGPOPOKUS ang mga lider na dadalo sa 48th ASEAN Summit 2026 sa usapin ng energy security at epekto ng krisis sa Gitnang Silangan, ayon kay Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez.
Ayon kay Gomez, bahagi ng agenda ang pagbuo ng unified response upang mabawasan ang epekto ng tumataas na presyo ng enerhiya sa mga miyembrong bansa.
Kabilang din sa tatalakayin ang disaster resilience, na layong palakasin ang koordinasyon sa early warning systems at humanitarian response.
Binanggit din ng kalihim ang sitwasyon sa Albay dulot ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon bilang halimbawa ng kahalagahan ng regional cooperation sa disaster preparedness.
Dagdag pa niya, isasama rin sa talakayan ang iba pang geopolitical at economic challenges sa Southeast Asia, kabilang ang epekto ng external shocks sa fuel supply at ekonomiya ng mga bansa sa rehiyon.
Tiniyak ni Gomez na nakahanay ang agenda sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang pagtugon sa state of national energy emergency at ang pagpapatupad ng austerity measures sa paghahanda ng summit.
(CHRISTIAN DALE)
193 