HIRIT NI MANS CARPIO VS IMPEACHMENT IBINASURA NG KORTE

IBINASURA ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang petisyong inihain ni Atty. Manases “Mans” Carpio na naglalayong pigilan ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanyang asawang si Vice President Sara Duterte.

Sa limang pahinang kautusan na may petsang Mayo 6, 2026, sinabi ni Presiding Judge Madonna Echiverri ng RTC Branch 81 na walang hurisdiksyon ang korte upang pakialaman ang mandato ng Kamara kaugnay ng impeachment proceedings.

“The petition for prohibition is dismissed for lack of jurisdiction. The prayer for issuance of a writ of preliminary injunction is denied,” ayon sa desisyong natanggap ng Kamara.

Binigyang-diin ng korte na ang House Committee on Justice ay kumikilos alinsunod sa Article XI ng 1987 Constitution na nagbibigay sa House of Representatives ng “exclusive power to initiate all cases of impeachment.”

Hindi rin pinaboran ng RTC ang pagtutol ni Carpio sa pag-isyu ng subpoena para sa kanyang tax records at iba pang dokumento mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon kay Judge Echiverri, kaakibat ng kapangyarihan ng komite ang paglalabas ng subpoena upang epektibong magampanan ang tungkulin nito sa pagdinig ng impeachment complaints.

Tinanggihan din ng korte ang hirit ni Carpio na tanggapin bilang “judicial notice” ang mga news reports at YouTube videos kaugnay ng mga pagdinig sa Kamara.

Ipinaliwanag ng RTC na ang newspaper articles ay itinuturing na “hearsay evidence” at walang “probative value” o sapat na bigat bilang ebidensya sa ilalim ng batas.

Dagdag pa ng korte, dahil mga opisyal ng Kamara — isang “co-equal branch” ng gobyerno — ang inirereklamo, dapat umanong sa Korte Suprema inihain ang petisyon at hindi sa RTC.

Matatandaang kamakailan ay nagkakaisang inaprubahan ng House Committee on Justice ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Duterte matapos umanong makakita ng probable cause.

Nakatakda itong pagbotohan sa plenaryo ng Kamara sa Mayo 11.

(TINA MENDOZA)

45

Related posts

Leave a Comment