NANINIWALA si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na ang isyu ng “unexplained wealth” ang pinakamabigat na basehan upang mapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Rep. Diokno, malayo umano ang bilyun-bilyong pisong dumaan sa mga account na iniuugnay sa Bise Presidente kumpara sa idineklara nitong yaman sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
“If you go by previous impeachment cases that reached the Senate, then of course the biggest issue, and to me it’s a very valid issue, is the issue of unexplained wealth. Kasi ang hinahanap ng sambayanan ay siyempre yung naglilingkod sa atin ay kailangan hindi corrupt,” ani Diokno.
Batay sa Article II ng Articles of Impeachment, lumobo umano ang net worth ni Duterte mula P7.2 milyon noong 2007 hanggang P88.5 milyon pagsapit ng 2024.
Gayunman, tinatayang nasa P30 milyon lamang umano ang kabuuang sahod nito bilang vice mayor, mayor at vice president sa loob ng halos dalawang dekada, dahilan para magkaroon umano ng mahigit P50 milyong “disparity.”
Kinuwestyon din ni Diokno ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsasabing mahigit P6.7 bilyon ang dumaan sa mga account ni Duterte at ng kanyang asawa.
“Para sa akin, what needs to be explained is how did those billions of pesos pass through the Vice President’s accounts. Paano dumaan ‘yun in her name, P2.87 billion. For both of them, P6.7 billion. That’s such a humongous amount that requires an explanation,” dagdag pa ng mambabatas.
Pinuna rin ni Diokno ang kampo ni Duterte dahil sa media lamang umano inilalabas ang depensa, kabilang ang paliwanag ng kampo ni Atty. Mans Carpio na “system glitch” lamang ang umano’y bilyun-bilyong transaksyon sa BPI.
Ayon kay Diokno, nagkaroon naman ng pagkakataon si Vice President Duterte na humarap sa House Committee on Justice upang sagutin ang mga alegasyon ngunit hindi ito dumalo.
Sa ilalim ng batas, sinabi ni Diokno na ang hindi pagtutugma ng nakasaad sa SALN at ng aktwal na yaman sa bangko ay maaaring maging basehan upang maituring na unexplained wealth.
(TINA MENDOZA)
52 