TINANGGAL ng Supreme Court of the Philippines sa listahan ng mga abogado ang isang lawyer matapos itong gumamit umano ng pekeng MCLE compliance number sa mga pleading na inihain sa korte.
Kinilala ang abogado na si Jose R. Hidalgo na napatunayang lumabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability dahil sa pagsagawa ng maling representasyon.
Ang MCLE o Mandatory Continuing Legal Education ay requirement sa mga abogado kung saan kailangan nilang dumalo sa mga seminar at legal training upang mapanatiling updated ang kanilang kaalaman sa batas at tamang asal sa propesyon.
Ayon sa records ng MCLE Office, walang compliance o exemption si Hidalgo mula 2001 hanggang 2019.
Dahil dito, ipinabura ng korte sa Biñan ang kanyang mga isinumiteng dokumento at ini-refer ang kaso sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para sa kaukulang aksyon.
Sinabi ng Korte Suprema na ang paggamit ng maling impormasyon sa mga dokumentong inihain sa hukuman ay malinaw na anyo ng dishonesty at paglabag sa tiwala ng korte.
Bukod sa disbarment, pinagmulta rin si Hidalgo ng P35,000 dahil sa hindi pagsunod sa mga direktiba ng IBP.
(JULIET PACOT)
61 