3 ARESTADO SA ILLEGAL NA BENTAHAN NG LPG SA RIZAL

NABISTO ang ilegal na bentahan ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Rodriguez, Rizal nang magsagawa ng test-buy operations ang mga awtoridad noong Miyerkoles, Mayo 6, 2026.

Ayon sa report ni Lt. Col. Gaffud Arwyn Derilo, chief of police ng Rodriguez Municipal Police Station, kay PCol. Eleazar Barber Jr., provincial director ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), aabot sa P8,481,000 halaga ng mga kagamitan ang nakumpiska at tatlo katao ang naaresto.

Kinilala ang mga suspek na sina “Elvira,” 51; “Ruth,” 36; at “Rodel,” 26, aktuwal na nagbebenta ng LPG sa Sitio Harangan, Brgy. San Isidro, ayon sa Provincial Intelligence Unit (PIU).

Kumpiskado mula sa mga suspek ang isang 11-kilogram ng LPG tank at isang 2.7-kilogram LPG tank na ginamit sa operasyon.

Nakuha rin sa kanila ang 248 piraso ng basyo ng 11-kilogram LPG cylinders, 22 piraso ng 2.7-kilogram LPG cylinders, dalawang storage tanks, at dalawang bullet trailers.

“Ang ganitong uri ng operasyon ay patunay na hindi natin kukunsintihin ang mga gawaing naglalagay sa panganib sa ating komunidad,” pahayag ni Barber.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11592, o kilala sa tawag na LPG Industry Regulation Act.

(NEP CASTILLO)

92

Related posts

Leave a Comment