‘CHINESE SPIES’ NADAGIT SA TAWI-TAWI

TATLONG Chinese nationals na hinihinalang nagsasagawa ng paniniktik sa Mindanao, ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police sa lalawigan ng Tawi-Tawi kasunod ng isinagawang intelligence operation.

Ayon sa ulat ng Tawi-Tawi Provincial Police Office, dinakip ang tatlong lalaking Chinese na pinaghihinalaang nangangalap ng impormasyon sa pamamagitan ng pag-aktong nagbebenta ng mga pekeng mobile phones.

Inaresto ng mga operatiba ng Tawi-Tawi PNP ang mga suspek matapos madiskubre ang mga pekeng cellphone at relo na ibinebenta ng mga suspek sa ikinasang police operation sa loob ng Beachside Inn sa Barangay Simandagit, Bongao, Tawi-Tawi.

Ayon kay Brig. Gen. Christopher Abecia, director ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), mahigpit na mino-monitor ng mga awtoridad ang 3 Chinese national at naging pakay sila ng operasyon kaugnay sa illegal foreign activities at talamak na pagpapakalat ng mga pekeng produkto sa probinsya.

“There are indications of possible information-gathering activities from residents, posing a potential security concern,” ani Abecia.

Sinasabing ang isa sa mga suspek ay na-monitor sa Languyan, Tawi-Tawi mula 2023 hanggang 2024.

Ang isa sa mga suspek ay may hawak na pasaporte na may expired visa, habang ang dalawang kasama nito ay walang pasaporte ngunit mayroong alien certificates.

Sasampahan ang tatlo ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 8293, o Intellectual Property Code of the Philippines, at Commonwealth Act No. 613, o The Immigration Act of 1940.

Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na ang mga suspek ay dumating sa Bongao, Tawi-Tawi noong Mayo 3 sakay ng Cebu Pacific Flight 5J 839 para magbenta ng pekeng cellphones at iba pang gamit nang walang kaukulang permit at dokumentasyon.

(JESSE RUIZ)

84

Related posts

Leave a Comment