KAPWA nangako sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Paraguayan Pres. Santiago Peña Palacios na palalakasin ang political, economic, at people-to-people ties sa pagitan ng Pilipinas at Paraguay sa isinagawang makasaysayang bilateral meeting sa Maynila.
Mainit na tinanggap ni Marcos si Peña sa kauna-unahang State Visit ng isang Paraguayan President sa Pilipinas nitong Lunes, Mayo 11, at inilarawan ang pagpupulong bilang oportunidad para higit pang mapalalim ang bilateral relations at mapalawak ang pagtutulungan ng dalawang bansa.
“Our meeting today will help bilateral relations deepen, and we will find ways to enhance existing cooperation to chart the course for a reinvigorated, productive, and sustained collaboration,” ayon kay Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Chief Executive ang mas matibay na political, economic, at people-to-people ties sa pagitan ng dalawang bansa.
“As we convene this historic bilateral meeting, the Philippines and us Filipinos… once again, extend our hand of friendship and partnership to Paraguay,” dagdag pa ng Pangulo.
Sa kabilang dako, inilarawan naman ni Pangulong Peña ang kanyang pagbisita sa Pilipinas bilang “makasaysayan,” sabay sabing tanda ito ng pagsisimula ng isang “bagong chapter” sa Philippines-Paraguay relations.
“It is an honor for me to be in the Philippines on an occasion of historic significance as this marked the first visit of a President of Paraguay to this country,” ani Pangulong Peña.
Winika pa ng Paraguayan leader na ang kanyang pagbisita ay sumasalamin sa hangarin ng dalawang pamahalaan na palakasin ang bilateral cooperation at mutual understanding.
Tinalakay rin ng dalawang lider ang trade at economic cooperation kabilang na ang food security initiatives.
Kinilala naman ni Pangulong Peña ang kamakailang authorization ng Pilipinas na nagpapahintulot sa importasyon ng Paraguayan beef, dahilan para maisagawa ang unang shipment ng Paraguayan beef products sa Philippine market.
“Paraguay, as a reliable food producer, can make a meaningful contribution to food security,” ani Pangulong Peña.
Inilarawan din ni Pangulong Peña ang Pilipinas bilang isang “dynamic market” at mahalagang gateway sa Southeast Asia.
Napag-usapan din sa bilateral meeting ang mas malawak na regional cooperation sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations at South American trade bloc na MERCOSUR.
Sinabi ni Pangulong Peña na kasalukuyang hawak ng Paraguay ang Pro Tempore Presidency ng MERCOSUR habang tangan naman ng Pilipinas ang chairmanship ng ASEAN ngayong taon, bagay na aniya’y oportunidad upang mapalapit ang Southeast Asia at South America.
Kapwa rin tinalakay ng magkabilang panig ang development cooperation, institutional strengthening, at pagpapalawak ng trade at investment relations.
Si Pena ay nasa bansa para sa dalawang araw na state visit.
Bandang alas-3:50 ng hapon noong Linggo nang lumapag ang kanyang delegasyon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sa Pasay City.
Naupo bilang Pangulo ng Paraguay si Peña Palacios noong Agosto 2023.
(CHRISTIAN DALE)
60 