INILABAS na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang subpoena laban kay Senator Ronald dela Rosa kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings noong kasagsagan ng drug war.
Tinintahan ni CIDG Director PMGen. Robert Morico II ang memorandum na nagpapatawag kay Dela Rosa upang humarap sa Major Crimes Investigation Unit ng CIDG sa Camp Crame sa Huwebes, Mayo 14, alas-10:00 ng umaga.
Layunin ng subpoena na makapagsumite ang senador ng sworn affidavit, mga dokumento at iba pang impormasyon kaugnay ng imbestigasyon.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary (DILG) Jonvic Remulla, nais nilang personal na humarap si Dela Rosa bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga insidente ng patayan.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi ito kaugnay ng anomang arrest warrant mula sa International Criminal Court at wala ring planong arestuhin ang senador.
Samantala, sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño na naisilbi na ng CIDG ang subpoena sa tahanan ni Dela Rosa sa Davao del Sur at tinanggap umano ito ng caretaker ng senador.
Naisilbi na rin umano ang subpoena sa tanggapan ni Dela Rosa sa Senado.
Ayon kay Tuaño, bagama’t isang imbitasyon lamang ang subpoena upang mabigyang-linaw ang kaso, maaari pa ring maharap sa indirect contempt ang senador kapag hindi siya sumipot sa itinakdang pagdinig.
Kahapon ng umaga, dumating din sa Senado ang team ng PNP-CIDG sa pangunguna ni Police Captain Larry Rey upang personal na ihatid ang subpoena.
Sinabi ni Rey na kahit hindi nilagdaan ng staff ng senador ang received copy, maituturing pa rin itong naisilbi.
(TOTO NABAJA/DANG SAMSON-GARCIA)
64 