CAYETANO BAGONG SENATE PRESIDENT; SOTTO OUT SA BOTONG 13-9-2

SA botong 13-9-2, nahalal si dating Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President kapalit ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Kabilang sa mga sumuporta kay Cayetano sina dating Senate President Sotto, Senadora Pia Cayetano, Senadora Loren Legarda, Senadora Imee Marcos, Senadora Camille Villar, Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, Senador Rodante Marcoleta, Senador Robin Padilla, Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Senador Mark Villar, Senador Francis “Chiz” Escudero at Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Samantala, nakuha naman ni Sotto ang boto nina Senadora Risa Hontiveros, Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Senador Bam Aquino, Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senador Erwin Tulfo, Senador Ramon Tulfo, Senador Sherwin Gatchalian, Senador Manuel “Lito” Lapid at Cayetano.

Nag-abstain naman sina Senador JV Ejercito at Senador Juan Miguel Zubiri.

Sa panunumpa ni Cayetano bilang bagong pinuno ng Senado, sinamahan siya ng kanyang maybahay na si Taguig City Mayor Lani Cayetano at kapatid na si Senadora Pia Cayetano, habang si Senadora Camille Villar ang nanguna sa oath-taking.

Bago ang pag-upo ni Cayetano, kinailangan munang ideklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado bago isinagawa ang botohan.

Naging makasaysayan din ang botohan matapos dumalo sa sesyon si Senador dela Rosa na matagal nang hindi nagpapakita sa Senado simula Nobyembre 2025 upang matiyak ang 13 boto para kay Cayetano.

Kasabay nito, tinangka umanong pigilan at arestuhin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation si dela Rosa habang papunta sa session hall mula sa VIP garage dahilan upang magtamo siya ng sugat sa daliri.

53

Related posts

Leave a Comment