HINULI SA SENATE SHOOTING, VOLUNTEER NG NBI — MATIBAG

NILINAW ni National Bureau of Investigation (NBI) director Melvin Matibag na hindi opisyal na empleyado ng National Bureau of Investigation ang inaresto kaugnay ng shooting incident sa Senado.

Ang suspek umano na si Mel Oragon, 44-anyos, na nakasaad sa police report ay driver ng NBI.

Ayon kay Matibag, base sa kanilang beripikasyon, lumabas na hindi empleyado ng NBI si Oragon kundi isang “volunteer” lamang na nagsisilbing driver ng grupong dineploy sa Senado.

“Well, sa ngayon po, binalideyt iyong aming records ng aming mga ahente at employees, siya po ay hindi opisyal na empleyado ng NBI. Ngunit noong nagkaroon po ako ng sariling imbestigasyon, lumalabas po na siya ay parang volunteer, kasama po ng mga ahente,” ani Matibag.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, umano’y armado si Oragon ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril at nagpaputok sa loob ng Senado dakong alas-7:50 ng gabi sa loob ng GSIS Compound, dahilan upang mag-panic ang mga tao sa lugar.

Agad namang napasuko at naaresto si Oragon ng mga miyembro ng Senate Security Detachment.

Sa tanong kung pinayagan itong humawak ng baril, sinabi ni Matibag na nakita lamang umano itong may hawak ngunit wala aniyang direktang access si Oragon sa naturang armas.

“Nakita na naglalakad, pinahawak, pero iyong aktuwal na pangyayari, wala naman po siyang access doon sa baril na hawak-hawak niya,” paliwanag ni Matibag.

(CHRISTIAN DALE)

88

Related posts

Leave a Comment