ITINANGGI ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Romeo Brawner Jr. na may kinalaman ang militar sa anomang destabilization kaugnay ng kaguluhan at putukan sa Senado nitong Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Brawner, batay sa initial assessment ng Armed Forces of the Philippines, walang indikasyon na bahagi ng destabilization attempt ang nangyari.
“As far as the AFP is concerned, wala. Pero tinitingnan lahat ng anggulo,” ani Brawner.
Tiniyak din nito na mananatiling propesyonal ang kasundaluhan at hindi makikilahok sa anomang destabilization move.
Dagdag pa ng AFP chief, wala ring itinaas na red alert status sa kanilang hanay matapos ang insidente.
Nilinaw rin ni Brawner na walang tauhan ng Philippine Marines ang nagpaputok ng baril sa kasagsagan ng kaguluhan sa Senado.
“Nakausap namin iyong commander. Hindi sila nagpaputok because they were there to support. So, iyong OSAA ang nagpaputok,” ayon kay Brawner.
Ipinaliwanag din ng heneral na nakatalaga lamang ang mga Marines para tiyakin ang seguridad ng Senate premises at hindi bilang personal escort ng mga senador.
Patuloy namang iniimbestigahan ng PNP kung sino ang mga nagpaputok sa loob ng Senado.
Kabilang sa mga tinitingnang anggulo ng imbestigasyon ang posibilidad na diversionary tactic lamang ang putukan kasunod ng mga ulat na wala na umano sa Senado si dela Rosa ilang oras matapos ang insidente.
“My instructions to the soldiers nationwide is for everyone to remain calm, disciplined and professional. We should only focus on our jobs and leave politics to the politicians,” dagdag ni Brawner.
(JESSE KABEL)
99 