NANAWAGAN si Senate President Alan Peter Cayetano ng “prayer and reflection” sa gitna ng mga tensyon at magkakaibang naratibo kaugnay ng mga pangyayari sa Senado nitong mga nakaraang araw.
Sa kanyang Facebook livestream noong Mayo 16, sinabi ni Cayetano na natabunan na ng samu’t saring haka-haka at press release ang katotohanan sa likod ng pagbabago sa liderato ng Senado, impeachment proceedings, at armadong insidente sa loob ng gusali ng Senado.
“Parang bang rumble sa college na wala nang pakialam kung sino tama’t mali,” ani Cayetano.
“If in the past few days we’ve seen public relations campaigns, ang PR campaign na akin pong pino-propose ay prayer and reflection campaign,” dagdag niya.
Hinimok niya ang mga Pilipino, kabilang ang mga lider ng bansa, na manalangin para sa katotohanan at pagnilayan kung paano higit na makapaglilingkod ang Senado sa mamamayan.
“If we do not start with the truth, we cannot address the problem,” aniya.
Nilinaw rin ni Cayetano na hindi umano impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa liderato ng Senado kundi ang direksyong tinatahak ng institusyon sa pagharap sa malalaking suliranin ng bansa.
Kabilang dito ang flood control scandal, pagtaas ng presyo ng bilihin, krisis sa langis at enerhiya, problema sa agrikultura, edukasyon, korapsyon, at pagbaba ng tiwala ng publiko sa gobyerno.
Giit niya, ang mga usaping ito ang dapat manatiling sentro ng trabaho ng Senado.
Nanawagan din si Cayetano ng patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa naganap na pamamaril sa Senado.
Aminado rin siyang magsasagawa siya ng personal na pagninilay sa mga unang araw niya bilang Senate President.
“Could I have done better? Did I do my best? Was I there for other people? Am I fully protecting the institution?” ani Cayetano.
Ayon sa kanya, marami pang kailangang gawin ang Senado upang maibsan ang hirap na dinaranas ng mga Pilipino dahil sa ekonomiya.
Muli rin niyang isinulong ang panukalang 10-percent savings sa lahat ng departamento ng gobyerno sa halip na magpataw agad ng bagong buwis.
Aniya, dapat munang tanggalin ang mga hindi kailangang gastusin ng pamahalaan.
“Sana po, magkalaban man tayo sa pulitika, magkaiba man ang opinion natin, we can start looking at each other as lahat anak ng Diyos,” ani Cayetano.
“Just because we have different ideas, we don’t have to call each other evil, or call each other names,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din niya na kailangang ituwid ang mga mali sa lipunan nang hindi nawawala ang malasakit sa kapwa.
“Yes, there is evil in our society, pero ang sabi nga, hate the sin but not the sinner,” aniya.
99 