ARESTADO ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Quezon Police Provincial Office sa lalawigan ng Quezon noong Huwebes, Mayo 14.
Ayon sa ulat ng pulisya, pinangunahan ng Lucena Component City Police Station at Lucban Municipal Police Station, ang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng kabuuang 14.10 gramo ng hinihinalang shabu.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, tinatayang nagkakahalaga ito ng P287,640.00.
Sa Lucena City, naaresto ang isang alyas “Sabog”, 38, matapos maaktuhan sa buy-bust operation sa Brgy. Ibabang Iyam.
Nasamsam mula sa kanya ang anim na sachet ng hinihinalang ilegal na droga na may bigat na 12.8 gramo.
Kasalukuyan nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.
Samantala, sa Lucban, Quezon, nadakip naman ang isang alyas “Loy”, sa isinagawang operasyon sa Brgy. Tinamnan.
Nakuha mula sa kanya ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 1.3 gramo.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(NILOU DEL CARMEN)
97 