BISTADOR mi RUDY SIM
PATULOY ang modus ng isang liaison officer di-umano sa Bureau of Immigration, kahit na ito ay ilang beses nang nahuling namemeke ng mahahalagang dokumento ng mga kliyente nitong Chinese at Indian nationals.
Mahilig umano itong magregalo ng mamahaling gadgets, branded na damit at minsan pa ay nag-sponsor para sa travel ng ilang mga opisyales ng BI para lang maprotektahan at hindi magalaw ang kanyang accreditation sa ahensya maski na pilipit ang mga dokumentong isinusumite nito.
Maging ang karamihan umano sa matitinong liaison agents mula sa travel agencies ay nagtataka kung bakit hanggang ngayon ay tila manhid at walang pakialam ang tanggapan ng BI na humahawak sa lisensya ng travel agencies.Bakit kaya? Nasulit kaya?
Gaano kaya katotoo ang balitang isang dating mataas na opisyal na nakatalaga sa Legal Division na itatago na lamang natin sa pangalang Atty. Caps, ang umayos ng problema ni alias “Haidee” kung saan ay nagbayad umano ng tatlong manok? Hmm… nasa maleta kaya?
Hindi ba’t itong si Atty. Caps ay nakasuhan sa DOJ noong panahon ni Boying Remulla, dahil sa natuklasan ng Verification and Compliance Division ng BI, na peke ang mga kompanyang inaprubahan nito noon para sa mga visa nitong si alias “Haidee”? Anyare sa kaso nito sa DOJ, Mr. Remulla, ngayong nasa Ombudsman ka na, ito dapat ang inuuna mo.
Ngayong panahon ng renewal ng accreditation ng travel agencies at law offices para sa kanilang lisensya, ay sinasala kaya ito nang maigi o palakasan na naman, na kahit may bahid ng mantsa ang kanilang trabaho ay dedma lang? Teka, speaking of accreditation, bakit kaya patuloy pa ring nakapag-renew ng kanilang lisensya sa BI itong dating travel agency ng isang convicted drug suspect na Taiwanese national na si alias “Peter” at kanyang asawang si Sharon, na tuloy ang ligaya sa BI kahit ilang beses itong nameke ng mga dokumento ng mga dayuhan?
Madalas makita umano itong sina Sharon at Haidee na tila ‘at home’ lamang na walang sumisita sa kanila kahit ang mga ito ay raketera sa pamemeke.
Ang balita natin ay nagpalit lamang ng pangalan itong travel agency ng isang Peter na may tanggapan sa BF building, malapit lang sa main office ng BI, at ngayon ay nasulit na naman ang mga bulsa ng iilan… Pakiimbestigahan nga ito, Kume, at baka nakalimutan na ng opisyal na humahawak ng accreditation, ang bad record ng nabanggit na mga indibidwal.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
91 