KINUMPIRMA ng Malakanyang ang pagtatalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Department of Budget and Management Secretary Kim Robert De Leon bilang permanenteng kalihim ng ahensya.
Si De Leon, dating propesor ng University of the Philippines at dating DBM Undersecretary, ang pinakabatang miyembro ngayon ng Gabinete ni Pangulong Marcos.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro na inaasahang manunumpa si De Leon sa kanyang bagong tungkulin ngayong Mayo 19, 2026.
Kinilala si De Leon bilang isang career public servant na may malawak na karanasan sa fiscal management, organizational reform, at digital transformation.
Nagtapos siya bilang magna cum laude at valedictorian mula sa UP-NCPAG at nanguna rin sa 2016 Environmental Planning Licensure Examination.
Mayroon din siyang master’s degrees sa urban and regional planning at public safety administration with academic honors.
Nakakuha rin si De Leon ng sertipiko sa business process management mula sa Queensland University of Technology noong 2021 sa ilalim ng Australia Awards scholarship program.
Sa tanong kung bakit si De Leon ang napili ng Pangulo bilang DBM Secretary, sinabi ni Castro na prerogative ito ng Pangulo.
Samantala, itinalaga naman si dating DBM acting secretary Rolando Toledo sa Board of Trustees bilang kinatawan ng pangunahing asosasyon ng mga retiradong empleyado ng gobyerno.
(CHRISTIAN DALE)
59 