HAWAK ngayon ng Bureau of Customs ang tinatayang P526 milyong halaga ng hinihinalang smuggled tobacco products na nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy sa isinagawang joint anti-smuggling campaign kaugnay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya kontra smuggling at pagbabantay sa mga hangganan ng bansa.
Ayon sa BOC, malaking dagok ito sa smuggling syndicates matapos masabat ng Philippine Navy-Western Mindanao Naval Command (WESMINCOM) ang dalawang major maritime smuggling attempts sa Western Mindanao sa loob lamang ng 48 oras.
Sa joint inventory na isinagawa ng Philippine Navy katuwang ang BOC-Port of Zamboanga, umabot sa P526 milyon ang halaga ng undocumented foreign-brand cigarettes na nasamsam mula sa dalawang motorboats na may lulang 3,916 master cases ng illicit tobacco products.
Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Jose Ma. Ambrosio Q. Ezpeleta, nasa 21 katao ang inaresto sa magkasunod na sea interdiction operations sa Western Mindanao at Negros Island Region.
Sa unang operasyon, nasabat ang barkong M/B Zhyzhy sa karagatan ng Maluso na may lulang 2,519 master cases ng foreign cigarettes na walang kaukulang dokumento.
Tinatayang nasa P317.35 milyon ang halaga ng kargamento kabilang ang mismong sasakyang-dagat na nagkakahalaga ng P1.2 milyon. Sakay nito ang kapitan at 13 crew members na pawang residente ng Maluso, Basilan.
Sa ikalawang operasyon, hinarang naman ng Navy ang barkong JTK Express sa bahagi ng southeast ng Matanal Point sa Hadji Mohammad Ajul na patungong Pagadian City mula Tawi-Tawi.
Narekober sa naturang barko ang 1,400 master cases ng undocumented cigarettes na nagkakahalaga ng P208.94 milyon.
Kabuuang 3,916 master cases ng smuggled cigarettes na may halagang P526.29 milyon ang nasamsam sa dalawang operasyon habang kakasuhan sa ilalim ng Republic Act No. 12022 ang 21 nadakip na suspek.
Samantala, sa Negros Island Region, nasabat naman ng PRO-NIR ang tinatayang P40 milyong halaga ng smuggled cigarettes at naaresto ang 10 suspek sa Basay nitong nakalipas na linggo.
Ayon sa pulisya, natunton ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa unloading ng mga kahon ng sigarilyo mula sa isang closed van.
Natuklasang walang tamang tax seals at health warning labels ang mga sigarilyo at lumalabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Anti-Agricultural Sabotage Act.
Nakumpiska rin ang 700 master cases ng Bosque brand cigarettes, isang 10-wheeler van, motorized banca, mga cellphone at ilang sasakyan.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang may mga ulat din ng nadiskubreng ilegal na cigarette factory at iba pang operasyon kontra smuggling sa Negros Occidental.
(JESSE RUIZ)
49 