BAWAT BAYAN MAKIKINABANG INILUNSAD SA OBANDO

PINANGUNAHAN ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes ang paglulunsad ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” sa Obando upang maghatid ng bigas at educational assistance sa libo-libong pamilya mula sa 11 barangay.

Ayon sa Pangulo, layunin ng programa na direktang makarating sa mga komunidad ang tulong ng pamahalaan.

“Nandito naman po ako ngayon upang tingnan ‘yung aming programa. Ito ‘yung sa Bawat Bayan Makikinabang,” pahayag ng Pangulo.

May dalawang pangunahing bahagi ang programa — ang Local Government Support Fund (LGSF) at Socio-Civic Projects Fund.

Ipinaliwanag ni Marcos na pinalalakas ng administrasyon ang implementasyon ng LGSF upang mas mapahusay ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo at ayuda.

Bilang dating gobernador ng Ilocos Norte, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad.

Sa ilalim ng programa, mahigit 2,000 pamilya sa Obando ang tumanggap ng tig-10 kilong bigas mula sa LGSF.

“Kaya sabi ko, bigyan natin ng rice subsidy lahat ng nangangailangan sa bawat bayan,” ayon kay Marcos.

Tiniyak din ng Pangulo na hindi minsanan lamang ang ayuda.

“Huwag po kayong mag-alala dahil hindi po ito minsanan lamang. Magbibigay kami ng 10 kilong bigas kada dalawang buwan, anim na beses sa isang taon,” dagdag nito.

Bukod sa rice subsidy, tumanggap din ng tig-P200,000 ang bawat barangay kung saan kalahati nito ay ilalaan para sa educational assistance ng 55 iskolar mula sa 11 barangay ng Obando.

Kasama rin sa nabigyan ng tulong ang mga residente ng coastal barangays ng Salambao at Binuangan.

Ayon sa social worker na si Rejean A. Ruiz, layunin ng programa na matiyak na direktang natatanggap ng mga pamilya at estudyante ang tulong ng pamahalaan lalo na sa mga mahihirap at liblib na komunidad.

(CHRISTIAN DALE)

149

Related posts

Leave a Comment