MARIING tinutulan ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang panukalang amyendahan ang rules ng Senado upang payagan ang online participation at voting sa impeachment proceedings kahit walang pambansang emergency o pandemya.
Ayon kay Barbers, tila may ibang motibo ang ilang senador sa pagtatangkang palawigin ang digital participation sa internal rules ng impeachment court.
“The proponents want this amendment to extend to the Impeachment Court internal rules. This proposal betrays the intention of some members to accommodate other members who may not be able to physically attend sessions,” ani Barbers.
Dagdag pa nito, tila nais umano ng ilang senador na protektahan ang kanilang mga kaalyado gamit ang kasalukuyang mayorya sa Senado.
Naniniwala si Barbers na dapat ibasura ang resolusyong magpapahintulot sa video conferencing o digital attendance habang dinidinig ang impeachment trial.
Binigyang-diin niya na ang impeachment proceedings ay isang mataas na tungkulin ng Senado bilang impeachment court kaya kinakailangan ang aktwal at pisikal na pagdalo ng mga senador-hukom.
Aniya, mahalaga ang personal na pagsusuri sa mga dokumento, ebidensya, at testimonya ng mga testigo upang makabuo ng tamang desisyon.
“Actual and active physical participation in the trial is the kind of respect due the Impeachment Court,” diin ni Barbers.
Nilinaw din nito na ang tanging dapat maging exemption sa pisikal na pagdalo ay mga seryosong kadahilanang medikal.
(TINA MENDOZA)
138 