(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PINUNA ni Atty. Ariel Inton ang sunod-sunod na pagsasampa ng kaso laban sa mga personalidad na itinuturing na kaalyado ni Vice President Sara Duterte, partikular sa mga may mahalagang papel sa impeachment trial.
Ayon kay Inton, tila layunin umano ng mga kaso na gawing “neutral” ang mga inirereklamong senador upang hindi pumabor sa Bise Presidente.
Dahil dito, inakusahan niya ang gobyerno at mga kaalyado nito na desperado nang mapatalsik sa puwesto si VP Sara Duterte na aniya’y isa pa rin sa pinakamalalakas na posibleng kandidato sa 2028 presidential elections.
“Maraming congressman na sagad sa buto ang pagiging anti-VP Sara ang nananawagan na maging impartial ang mga senator-judges. Pero sila mismo, lalo na ang mga kasapi ng justice committee ng Kamara, ay nagpakita ng bias laban kay Vice President,” ani Inton.
Giit pa niya, marami ring abogado, religious groups, civil society organizations at politiko ang nananawagang maging impartial ang Senado ngunit halata umanong laban kay Duterte.
“Bakit pag acquittal ba ang boto ng mga senador ay biased na at pag conviction ay neutral na?” tanong ni Inton.
Binanggit din nito ang mga reklamong isinampa laban kina Senador Rodante Marcoleta, Senador Jinggoy Estrada, Senate President Francis Escudero at iba pang itinuturing na “perceived pro-Sara.”
Ayon kay Inton, mahihirapan umanong maging neutral ang mga senador kung nakararanas sila ng pressure dahil sa mga kasong isinampa laban sa kanila.
“Political survival ang nakataya sa mga bumoto ng YES sa impeachment ni VP Sara. Halata ang takot nila na maging presidente si Sara Duterte,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ni Inton ang bilang ng kinakailangang boto sa Senado para sa pagpili ng Senate President at impeachment trial.
Ayon sa kanya, malinaw sa Saligang Batas na 13 boto ang kailangan upang makapili ng Senate President dahil majority vote of all 24 senators ang requirement at hindi lamang ng mga present sa sesyon.
Samantala, sinabi rin niya na 16 boto o two-thirds vote ng lahat ng senador ang kailangan upang ma-convict ang isang opisyal sa impeachment trial.
Iginiit pa ni Inton na kahit mawala o maaresto ang ilang senador ay hindi magbabago ang bilang ng kinakailangang boto sa impeachment proceedings.
“Hanggat walang bibitaw sa 13 senators at hindi makakakuha ng 16 votes para i-convict si VP Sara, sigurado mag-iisip na naman ng ibang paraan ang mga haters ni Sara para lamang hindi siya makatakbong presidente,” ayon pa kay Inton.
107 