KINUMPIRMA ng Bangsamoro Parliament sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga reklamo hinggil sa umano’y nakalulunos na kalagayan ng edukasyon sa rehiyon at sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE).
Ito ay matapos sibakin noong nakaraang linggo si MBHTE Minister Mohagher Iqbal kasunod ng ulat ng Commission on Audit (COA) ukol sa umano’y mga iregularidad sa ahensya.
Sa ulat ng Committee on Finance, Budget and Management (CFBM) matapos ang deliberasyon sa 2026 BARMM budget, lumitaw umano ang matinding delay sa execution at fund utilization ng MBHTE.
Ayon sa report, hawak ng MBHTE ang pinakamalaking pondo sa BARMM ngayong taon na umaabot sa P26.49 bilyon mula sa kabuuang P114 bilyong regional budget upang mapahusay sana ang kalidad ng edukasyon at maipatupad ang mga reporma para sa mga estudyante.
Gayunman, lumabas sa report na umaabot sa 38.3 porsyento ang functional illiteracy rate sa BARMM, mas mataas sa national average na 30.6 porsyento at pinakamataas sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Mababa rin umano ang performance ng BARMM teachers sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) dahil nasa ika-34 na pwesto lamang ito mula sa 39 rehiyon at dibisyon sa bansa.
Bukod dito, umabot na rin sa 90 porsyento ang dropout rate sa kolehiyo sa BARMM, malayong mas mataas kumpara sa national average na 35.39 porsyento.
Nasa 8.7 porsyento lamang din ang college participation rate sa rehiyon, pinakamababa sa buong bansa kumpara sa national average na 28.7 porsyento.
Sa usapin naman ng manpower, may 9,599 pang bakanteng posisyon sa MBHTE habang 36,773 item positions mula pa noong panahon ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang hindi pa naaaksyunan, kabilang na ang nasa Sulu kung saan apektado umano ang nasa 3,000 guro at empleyado.
Inireklamo rin sa report ang mababang sahod ng mga volunteer teachers sa rehiyon.
Mabagal din umano ang pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan dahil 1,330 sa 2,289 school building projects ang hindi pa nakukumpleto.
May kakulangan din umano na 567,946 school desks at nasa 757,379 learners’ kits ang hindi pa natatanggap ng mga estudyante.
(PAOLO SANTOS)
79 