RESCUE OPS SA GUMUHONG 9-STOREY BUILDING, ITINIGIL NA

ITINIGIL na ng mga awtoridad ang search and rescue operations sa gumuhong 9-storey building sa Angeles City, Pampanga matapos wala nang makitang “sign of life” sa ilalim ng mga guho.

Kinumpirma ito ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kasabay ng paglipat ng operasyon sa retrieval at debris clearing operations.

Dahil dito, inaasahang madaragdagan pa ang kasalukuyang apat na kumpirmadong nasawi habang nasa 16 katao pa ang pinaniniwalaang naiipit sa ilalim ng debris.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), naging maselan at mapanganib ang rescue operations dahil sa posibilidad ng panibagong pagguho ng gusali kaya mano-mano na lamang ang ginagawang retrieval operations.

Hindi rin umano maaaring gumamit agad ng heavy equipment dahil sa delikadong kondisyon ng istruktura.

Sa update ng Unified Command System, opisyal na idineklara ang pagtatapos ng rescue operations alas-8:27 ng gabi noong Lunes matapos ang final assessment gamit ang life locator equipment mula sa Pasig City local government unit.

“Itong decision po was made following the final assessment,” ayon kay Angeles City Public Information Office chief Jose “Jay” Pelayo IV.

“Consistent na itong nag-i-indicate na wala nang signs of life doon sa apektadong lugar,” dagdag nito.

Ayon naman sa Bureau of Fire Protection (BFP), tumagilid ang gusali patungo sa Sectors 3 at 4 habang sinusuri pa ng responders ang posibleng access points para sa retrieval teams.

Mula sa dating 17 na nawawala, nabawasan ito matapos lumutang ang isa sa mga nakalistang missing at nilinaw na wala siya sa loob ng gusali nang mangyari ang pagguho.

Patuloy naman ang pagbibigay ng tulong sa mga survivor at pamilya ng mga biktima sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Naghahanda na rin ang mga awtoridad para sa paghawak at pagkilala sa mga posibleng marerekober na bangkay.

Samantala, iniutos ni Angeles City Mayor Jon Lazatin ang pagbuo ng composite investigation team na binubuo ng mga structural engineer at iba pang concerned agencies upang matukoy ang sanhi ng pagguho ng gusali.

Magsasagawa rin umano ng pag-aaral at pagkuha ng material samples ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at OCD.

Patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang posibleng pananagutan kaugnay ng insidente habang wala pa ring pahayag mula sa may-ari o contractor ng proyekto.

Batay sa tala ng city government, inilabas noong 2023 ang huling permit ng proyekto habang nagsimula ang konstruksyon nito noong 2024.

(JESSE RUIZ)

120

Related posts

Leave a Comment