VILLAR ISINUSULONG ANG MAS MATIBAY NA MENTAL HEALTH SUPPORT SA MGA ESTUDYANTE

INIHAIN ni Senador Mark Villar ang Senate Bill No. 2133 o ang “Students’ Guidance Counseling Act” na layong palakasin ang school-based mental health programs at palawakin ang access ng mga estudyante sa guidance at psychosocial support services.

Ayon kay Villar, hindi dapat balewalain ang lumalalang mental health concerns ng mga kabataang Pilipino lalo na sa gitna ng tumitinding academic pressure at iba’t ibang personal na problema.

Batay sa pag-aaral ng Cambridge University Press, mahigit dumoble umano sa nakalipas na walong taon ang kaso ng moderate to severe depression sa mga Pilipinong edad 15 hanggang 24.

“Hindi dapat balewalain ang mental health ng ating mga kabataan. Marami sa ating mga estudyante ang nakakaranas ng matinding pressure sa paaralan at iba’t ibang personal na suliranin, ngunit madalas ay kulang ang suporta at gabay na kanilang natatanggap,” ayon kay Villar.

Binigyang-diin din ng senador ang matinding kakulangan ng guidance counselors sa bansa.

Ayon sa kanya, nasa 1:14,000 ang kasalukuyang counselor-to-student ratio sa Pilipinas, malayong-malayo sa global standard na 1:250.

Dagdag pa rito, libo-libong guidance counselor positions sa buong bansa ang nananatiling bakante ayon sa Department of Education.

Dahil dito, layunin ng panukalang batas na magtalaga ng mga kwalipikadong guidance counselors, associate counselors at school social workers sa lahat ng pampublikong paaralan.

Kasama rin sa panukala ang pagpapalakas ng school mental health at wellness programs, referral systems at intervention mechanisms para sa mga estudyanteng nangangailangan ng specialized care.

“Sa pamamagitan ng panukalang ito, nais nating tiyakin na may sapat na mga propesyonal na handang umalalay at gumabay sa ating mga estudyante,” diin ni Villar.

“Napakahalaga na ang ating mga paaralan ay maging ligtas at maaasahang espasyo kung saan nararamdaman ng bawat estudyante ang gabay, malasakit, at suporta,” dagdag pa ng senador.

(DANNY BACOLOD)

102

Related posts

Leave a Comment