RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAKUPO! Talagang nababoy na ang Senado, mantakin mong ilagay bilang committee chairman ng Constitutional Amendments and Revision of Codes si Sen. Robin Padilla.
Hindi ko ho ibinoto itong si Sen. Padilla dahil alam kong kulang pa ang kanyang kaalaman at eksperyensa kung hahawak ito ng posisyon sa gobyerno.
Mapaiisip ka kung bakit si Padilla ang ginawang chairman ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. Parang wala kasing mapaglagyan sa kanya kaya siya na lang ang inilagay sa posisyon.
Trabaho ng nasabing komite na pag-aralan ang kasalukuyang mga batas na nakasaad sa 1987 Constitution ng bansa at alamin kung ano ang mga batas na dapat amyendahan.
Ang mga dating chairman ng komite na ito ay sina dating Senadora Miriam Defensor Santiago, Juan Ponce Enrile, Joker Arroyo, Blas Ople, Raul Roco at marami pang matatalinong senador.
Samantalang ‘yung iniupo ngayon ay hindi man lang maipahayag ang sarili niyang mga opinyon sa mga debate sa Senado. ‘Di ba nga ay nakita natin sa isang televised na Senate hearing na tila hinamon na lang nito ng suntukan ang isa pang senador na nasa minorya dahil sinigawan daw siya?
Kung kayo po ay sumusubaybay sa mga pagdinig sa Senado sa mga nakaraang dekada, maaalala ninyo kung gaano kagaling sa pakikipagtalastasan ang mga dating senador. Kaya nilang makipagsabayan sa kanilang mga kasamahan at hindi umuurong pagdating sa debate sa mga isyu na may kinalaman sa kanilang trabaho.
Hindi ko ibinoto ‘yang si Padilla kahit pa masugid na tagasuporta ako ni Pangulong Digong noon, at sa mga nangyayari ngayon ay nagagalak ako na hindi ko sinunod ang pakiusap ni Pang. Duterte na suportahan ang lahat ng kanyang mga kandidato.
Dapat ganyan ang mindset ng mga botante kapag halalan, hindi kinakailangan na sundin ang iniindorso ng mga nasa pwesto tulad ng nakaraang halalan kung saan ay hindi nanalo ang mga pangalan na malakas at lumalabas sa mga survey.
Tila totoo na isang malaking circus na ang Senado kung saan karamihan sa mga may hawak ng komite ay mga walang alam sa gagawin nilang trabaho bilang committee chairman.
104 