CAYETANO: WALANG KINALAMAN ANG IMPEACHMENT NI VP SARA SA PAG-AMYENDA NG SENATE RULES

IGINIIT ni Senate President Alan Peter Cayetano na walang katotohanan ang alegasyon ng Minority bloc na may kaugnayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang panukalang pag-amyenda sa rules ng Senado kaugnay ng remote participation.

Sa isang Facebook Live nitong Sabado, sinabi ni Cayetano na hindi naman gagalawin ang impeachment rules dahil naaprubahan na ito nang pormal na magtipon ang Senado bilang impeachment court noong Mayo 18.

“Wala pong katotohanan na y’ung amendment ng rule na ito ay nakaugnay sa amendment sa rule sa impeachment. Bakit po? Unang-una, in-adopt na po namin y’ung rules sa impeachment.

Kapag binago namin iyon, ipa-publish pa at tatagal pa iyon,” ayon kay Cayetano.

“Ang pinag-uusapan ay rule sa Senado. Wala pong katotohanan y’ung mga nagpo-post na nagsasabing ito po ay may kinalaman sa impeachment,” dagdag pa niya.

Ayon kay Cayetano, magkaibang usapin ang impeachment proceedings at ang panukalang pagbabago sa Senate rules.

Tinukoy niya ang mainit na sesyon noong Mayo 26 kung saan tumutol ang ilang senador mula sa Minority bloc sa panukalang amyenda upang payagan ang remote participation o online attendance sa mga sesyon.

Ang panukala ay inihain ni Senador Rodante Marcoleta at naging sentro ng debate sa plenaryo kung maaari ba itong talakayin.

Upang maresolba ang usapin, naghain umano si Cayetano ng mosyon na idaan ito sa botohan.

Gayunman, nauwi sa walkout ng Minority bloc ang sesyon habang naghain naman ng mosyon para sa adjournment si Senate Minority Leader Vicente Sotto III.

Ayon kay Cayetano, ang pinagdedebatehan lamang noon ay kung maaari bang talakayin ang panukalang amyenda at hindi pa ang mismong nilalaman nito.

“Let’s clarify some things sa rules mismo ng Senate. Nakalagay doon, simple: The Majority can amend,” paliwanag niya.

Sinagot din niya ang mga pahayag ni Senador Panfilo Lacson na umano’y nira-rush o “nira-railroad” ang usapin.

“Wala pong railroading. Ang sinasabi po kasi niya, nasa committee yung rules. Ang plenary po ay mas powerful sa committees,” ani Cayetano.

Dagdag pa niya, matagal nang sinimulang talakayin ang panukala at handa umano ang Majority na depensahan ito sa plenaryo.

Sinabi rin ni Cayetano na nakaugat umano ang usapin sa kontrol at representasyon sa Senado.

“Representation is very important because it’s all about control,” aniya.

Ipinaliwanag niya na mahalaga ang bilang sa Senado dahil nakaaapekto ito sa liderato at maging sa pagtakbo ng mga imbestigasyon.

“So meaning, kung maibabalik sa kanila ang leadership, i-schedule ba nila yung flood control hearing? Kontrolado din po ng Majority at ng chairman kung sino ang iimbitahin,” dagdag niya.

Kasabay nito, iginiit ni Cayetano na dapat maging patas ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee kaugnay sa flood control scam na nakatakdang isagawa sa Hunyo 4.

58

Related posts

Leave a Comment