ISINUSULONG ni Sen. Erwin Tulfo ang panukalang magbibigay ng libreng board at bar examinations para sa mga kwalipikadong mahihirap.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2035 o “Free Professional Examinations Act,” hindi na pagbabayarin ng examination fees ang mga kwalipikadong mahihirap sa pagkuha ng professional licensure exams.
Ayon kay Tulfo, maraming Pilipino ang nakapagtatapos ng pag-aaral ngunit hindi nakakakuha ng lisensiya dahil sa kakulangan ng pera.
“Sa halip na magbayad para sa licensure examination fees, mas pinipili nilang agad na magtrabaho at kadalasan ay napupunta sa trabahong hindi angkop sa kanilang pinag-aralan para lamang mabuhay,” ani Tulfo.
Sinabi pa ng senador na nililimitahan ng sitwasyon ang pagdami ng mga lisensyadong propesyonal sa bansa.
Saklaw ng panukala ang Board Examinations ng Professional Regulation Commission, mga pagsusulit ng Civil Service Commission, at maging ang Bar Examinations.
Sa ilalim ng panukala, ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay yaong kikilalaning mahirap ng Department of Social Welfare and Development.
Ang sertipikasyon mula sa DSWD ang ihaharap sa PRC, CSC, o sa Korte Suprema upang makapag-avail ng libreng pagsusulit.
Nilinaw naman sa panukala na isang beses lamang kada taon maaaring magamit ang benepisyong ito.
“Marami sa ating mga kabataang estudyante ang kumukuha pa ng sideline upang makapagtapos ng pag-aaral. Tulungan natin silang ganap na maisakatuparan ang kanilang pangarap na maging lisensyadong propesyonal,” pagtatapos ni Tulfo.
77 