IMPEACHMENT VS PBBM PWEDE NA ULIT SA 2027

NANINIWALA ang isang abogado na malalaman kung tunay na accountability o pulitika lamang ang motibo ng mga nagtutulak sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Ariel Inton na lalabas umano ang “totoong kulay” ng mga pumapabor sa impeachment laban sa Bise Presidente kung pagkatapos ng paglilitis ay isusunod naman nila ang pagpapanagot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Ayon kay Inton, inaasahang uusad na sa Senado ang impeachment trial ni Duterte at posibleng magkaroon ng desisyon sa 2026.

Aniya, kung maabswelto si Duterte ay mananatili ito bilang Bise Presidente, ngunit kung mahatulan ay magkakaroon ng bagong halal na Bise Presidente alinsunod sa Konstitusyon.

Gayunman, sinabi ni Inton na “safe” umano si Pangulong Marcos mula sa impeachment hanggang Pebrero 2027 dahil umiiral pa ang one-year ban sa muling pagsasampa ng impeachment complaint.

Matatandaang nauna nang ibinasura ng Kamara ang impeachment complaint laban kay Marcos dahil sa umano’y insufficiency of evidence.

Ngunit ayon kay Inton, posibleng mabuhay ang usapin dahil sa mga nakabinbing kontrobersiya tulad ng flood control projects at isyu sa unprogrammed funds sa national budget.

Kabilang aniya sa mga posibleng isyung maaaring iangat laban kay Marcos ang umano’y fiscal irresponsibility kaugnay ng 2023 General Appropriations Act, legislative fraud at riders sa 2024 GAA, illegal insertion of social funds sa 2025 budget, betrayal of public trust, systematic graft, unconstitutional fund transfer, at paglabag umano sa due process sa pagdadala ng mga Pilipino sa International Criminal Court o ICC.

Binanggit din ni Inton ang umano’y sugar importation scam at alegasyon ng cronyism sa Malampaya.

Ayon pa sa abogado, hindi nakadepende sa magiging resulta ng impeachment trial ni Duterte ang posibilidad ng pagpapanagot kay Marcos.

“Dito natin malalaman kung accountability ba talaga ang habol o pulitika na mula sa simula,” giit niya.

60

Related posts

Leave a Comment