TULUYAN nang inaresto si Senador Jinggoy Estrada ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) base sa warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan Fifth Division kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Pasado alas-3 ng hapon nitong Lunes nang dumating sa Senado ang court server ng Sandiganbayan kasama ang ilang tauhan ng CIDG upang personal na isilbi ang warrant of arrest laban sa senador.
Hindi naman pumalag si Estrada at kusang tinanggap ang warrant bago nagsagawa ng press conference.
Ang warrant of arrest ay inilabas ilang araw matapos maglagak si Estrada ng piyansa para naman sa graft case na isinampa laban sa kanya ng Sandiganbayan Second Division.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y budget insertions at kickback schemes na nagkakahalaga ng P573-milyong flood control projects.
Kasama sa mga co-accused ni Estrada sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at dating mga opisyal ng DPWH-National Capital Region na sina District Engineer Manny Bulusan, District Engineer Arturo Gonzalez Jr., at Assistant District Engineer Denryl Caesar Cortuna.
Bago pa man ang pag-aresto, nakita rin sa Senado si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kasama ang mga tauhan ng CIDG ilang oras matapos lumabas ang warrant mula sa anti-graft court.
Kusang Sumuko
Sumuko si Estrada kay DILG Secretary Jonvic Remulla makaraang mag-isyu ng warrant of arrest sa kasong plunder ang Sandiganbayan 5th Division.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sinabi ni Estrada na mananatili pa rin siya sa majority bloc sa ilalim ng liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano makaraang ibunyag na may mga kumausap sa kanya upang lumipat sa minority bloc kapalit ng pagbasura sa kanyang kaso.
Sinabi ni Estrada na hindi siya matitinag sa anomang panggigipit, pananakot at political maneuvering.
Inatasan din ng senador ang Senate Secretary na i-hold ang kanyang sahod upang ipakita anya sa sambayanan na wala siyang intensyong makinabang sa pondo ng bayan.
Iginiit din niyang hindi niya gagawing pananggalang ang Senado at handang ipagtanggol ang sarili sa hukuman at handang patunayan na walang batayan ang mga paratang sa kanya na tinawag niyang kalokohan.
“I will not yield to threats. I will not be intimidated. I will not be pressured into surrendering my independence of judgment,” saad ni Estrada.
“Ngayon ko lang ito isasapubliko: Maraming beses akong inalok na talikuran ang independent majority bloc kapalit ang pagbabasura sa aking kaso, ngunit hindi ko ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ko na manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” dagdag niya.
Kasamang humarap sa presscon ni Estrada ang ilang Senate majority bloc na sina Senators Imee Marcos, Mark Villar, Camille Villar, Rodante Marcoleta at Senate President Alan Peter Cayetano.
Bago umalis sa compound ng Senado ay kumaway pa si Estrada sa mga tauhan ng OSAA at ilang staff.
Samantala, hindi na rin dumalo ang Senate majority sa plenaryo kahapon matapos ang pag-aresto kay Estrada.
Tanging ang 11 senador na miyembro ng minorya ang present kahapon.
(JESSE RUIZ/JULIET PACOT/DANG SAMSON-GARCIA)
75 