NILINAW ni dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President at veteran lawyer Atty. Ariel Inton ang sistema ng pagpiyansa sa mabigat na kasong plunder sa Pilipinas kasunod ng mga usapin kaugnay ng kinakaharap na kaso ni Senador Jinggoy Estrada.
Ayon kay Atty. Inton, mali umano ang paniniwalang “walang piyansa” sa mga kasong plunder.
“Una, mali ang sinasabi na walang piyansa ang plunder cases. Wala sa Saligang Batas ‘yan,” paliwanag ng abogado.
Ipinaliwanag ni Inton na kapag nagsampa ng plunder case ang Office of the Ombudsman laban sa isang opisyal, karaniwang may rekomendasyong “no bail” ang kaso ngunit maaari pa ring humiling ng piyansa ang akusado.
Ayon sa abogado, maaari itong gawin sa pamamagitan ng paghahain ng petition for bail.
“Kapag nag-file ng petition for bail ang akusado, magkakaroon ng summary hearing at titingnan kung strong ba ang evidence of guilt,” paliwanag ni Inton.
Aniya, kung mabigo ang prosekusyon na mapatunayan na matibay ang ebidensya laban sa akusado, maaaring payagan ng korte ang pagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan nito habang nililitis ang kaso.
Dagdag pa ni Inton, isa rin sa mga tinitingnan ng hukuman ay kung maituturing na “flight risk” ang akusado o may posibilidad itong tumakas upang iwasan ang paglilitis.
Nakasaad umano ito sa Bill of Rights sa ilalim ng Section 13 ng Saligang Batas.
“All persons, except those charged with offenses punishable by reclusion perpetua, when the evidence of guilt is strong shall before conviction be bailable by sufficient sureties, or be released on recognizance as may be provided by law,” ayon sa probisyon ng Konstitusyon.
“So hindi lang dapat plunder ang kaso, dapat strong din ang evidence of guilt para hindi makapagpiyansa ang akusado,” diin pa ni Atty. Inton.
(JULIET PACOT)
63 