IPAPRAYORIDAD ng pamahalaang lungsod ng Lipa ang mahihirap na mga residente sa halip na mga empleyado ng City Hall, sa pamamahagi ng 1,000 sako ng tig-limang kilong bigas na inalok ng tanggapan ni Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste.
Ayon sa opisyal na pahayag ng LGU-Lipa, sinabi nitong bagama’t nagpapasalamat sila sa anomang tulong na ipinagkakaloob sa lungsod, kinakailangan pa ring tiyakin ang maayos at patas na pamamahagi ng mga donasyon.
Ayon sa pamahalaang lungsod, mahigit 2,300 ang empleyado ng lokal na pamahalaan kaya hindi sapat ang 1,000 packs ng bigas para sa lahat kung ito ay eksklusibong ilalaan sa mga manggagawa ng City Hall.
Dahil dito, iminungkahi ng LGU na unahin na lamang ang mga residenteng higit na nangangailangan ng tulong.
Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na hindi nito hinaharangan ang sinomang nais magbigay ng ayuda at malaya ang mga donor na direktang mamahagi sa kanilang napiling mga benepisyaryo.
Pero kasabay nito, iginiit ng LGU-Lipa na hindi ito makikilahok sa anomang aktibidad na may kaugnayan sa kaguluhang pampulitika at mananatili itong nakatuon sa pagbibigay-serbisyo sa mamamayan.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ni Leviste na layunin ng kanyang programa na mabigyan ng bigas ang bawat pamilya sa Batangas.
(NILOU DEL CARMEN)
65 