MANILA, Philippines — May inaabangang package mula abroad? Regalo ng kamag-anak? Online order? O importanteng dokumento?
Araw-araw chinecheck mo ang tracking updates. Tapos biglang wala nang galaw.
Dito na kadalasang nagsisimula ang pag-aalala: “Nasaan na kaya ang parcel ko?”
Ayon sa Philippine Postal Corporation (PHLPost), isa ito sa mga pinakakaraniwang concern ng mga customer na naghihintay ng international parcels. Pero ang hindi alam ng marami, bago makarating sa post office o delivery network ang isang package, dumadaan muna ito sa ilang required na proseso pagdating nito sa Pilipinas.
Kapag dumating ang isang international parcel sa bansa, sumasailalim muna ito sa inspection at verification process na isinasagawa ng Bureau of Customs (BOC). Dito chinecheck kung may kailangang duties o taxes, additional documents, o further verification depende sa laman ng parcel.
May mga parcel na mabilis naaayos at agad nakalalabas para sa delivery. Pero mayroon ding nangangailangan ng mas masusing checking.
Ayon sa PHLPost, minsan natatagalan ang processing kapag may kailangang additional documents na i-require ang BOC, tulad ng proof of purchase, invoice, permits, o iba pang requirements bago ma-clear ang parcel para sa release at delivery.
“Sa customer, parang tumigil na ang galaw ng parcel,” paliwanag ng PHLPost. “Pero ang di nila alam, sa mga ganitong sitwasyon, ongoing pa pala ang required checking at clearance process bago ito maipasa for delivery.”
Dagdag pa ng PHLPost, standard process ito para sa inbound international mail upang matiyak na maayos at compliant ang mga pumapasok na padala sa bansa.
Para mas maging malinaw ang proseso sa publiko, pinalalakas ngayon ng PHLPost ang kanilang customer notification at communication efforts.
Ang mga customer na may parcels na nangangailangan ng additional documents o verification ay maaaring makatanggap ng Letter Notice (LN), text message, o email na naglalaman ng instructions kung ano ang kailangang gawin para ma-proseso at ma-release ang kanilang parcel.
Pinapayuhan din ng PHLPost ang mga customer na agad makipag-coordinate sa kanilang local post office o concerned office kapag nakatanggap ng notification upang maiwasan ang dagdag na delay.
Ayon sa PHLPost, layunin nitong mas maintindihan ng publiko kung ano ang nangyayari sa likod ng proseso ng international deliveries, lalo na para sa mga naghihintay ng importanteng padala, online orders, o packages mula sa kanilang mga mahal sa buhay abroad.
“Alam naming frustrating ang maghintay, lalo na kapag hindi malinaw kung nasaan na ang parcel,” ayon sa PHLPost. “Kaya tuloy-tuloy naming pinapabuti ang communication at notifications para mas maintindihan ng customers ang journey ng kanilang parcel bago ito makarating sa kanilang doorstep.”
Ipinaalala rin ng PHLPost na ang international deliveries ay dumadaan sa ilang stages bago makarating sa recipient, kabilang ang arrival processing, inspection, verification kapag kailangan, clearance, at turnover sa local delivery network.
72 