MAS MABIGAT NA PARUSA SA ONLINE CHILD ABUSE, LUSOT SA KAMARA

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang isang priority measure ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na magpapalakas sa laban ng bansa kontra online child sexual abuse at exploitation, kabilang ang mga bagong banta mula sa artificial intelligence (AI) at iba pang makabagong teknolohiya.

Sa botong 284 pabor, ipinasa ng House of Representatives ang House Bill No. 9461 o ang “Child Online Safety and Protection Act of 2026.”

Layunin ng panukala na palakasin at palawakin ang Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act sa pamamagitan ng mas mahigpit na safeguards, mas malawak na enforcement powers at mas organisadong pambansang sistema ng proteksyon para sa mga bata sa digital age.

Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, kinakailangang makasabay ang batas sa mabilis na pagbabago ng mga pamamaraan ng online child exploitation.

“Technology has created new opportunities for learning, communication and development, but it has also opened new avenues for predators to exploit children. Our laws must evolve just as quickly to confront these threats and ensure that Filipino children remain protected,” ani Marcos.

Sakop na rin ng panukala ang AI-generated, synthetic at digitally manipulated exploitative content, kabilang ang deepfakes na gumagamit ng imahe ng mga bata.

Pinalawak din nito ang mga ituturing na krimen gaya ng sexual extortion, grooming, luring, image-based sexual abuse at livestreamed child exploitation.

Sa ilalim ng panukala, maaaring maharap sa habambuhay na pagkabilanggo at multang hindi bababa sa P2 milyon ang mga mapatutunayang sangkot sa paggawa, pamamahagi, pagli-live stream o pagpapadali ng child sexual abuse materials.

Ang mga mapatutunayang nagtataglay ng naturang mga materyal ay maaaring makulong ng hanggang 20 taon at magmulta ng hanggang P500,000.

Samantala, ang mga sadyang nag-a-access sa mga ipinagbabawal na materyal ay maaaring makulong ng hanggang 12 taon at pagmultahin ng hanggang P300,000.

Pinapalakas din ng panukala ang kapangyarihan ng gobyerno na magpatigil, mag-block at magpasara ng mga online account, website, platform at digital infrastructure na ginagamit sa child exploitation.

Pinalawak din ang financial surveillance upang mabantayan at pansamantalang ma-freeze ang mga kahina-hinalang transaksyon na may kaugnayan sa online child exploitation.

Bubuo rin ng National Council for Child Online Safety and Protection sa ilalim ng Department of Justice at National Child-Safety Command and Operations Service na mangunguna sa intelligence gathering, monitoring at inter-agency coordination laban sa mga online child exploitation syndicates.

“The exploitation of children is among the most heinous crimes imaginable. Every child deserves to grow up in a safe environment, free from abuse, coercion and exploitation, whether in the physical world or in digital spaces,” dagdag pa ni Marcos.

(TINA MENDOZA)

87

Related posts

Leave a Comment