LEGALIDAD NG SENATE LEADERSHIP CHANGE KUKWESTYUNIN SA SC

BALAK magpasaklolo sa Korte Suprema ng political party na Partido ng Demokratikong Pilipino (PDP) kaugnay ng sinasabing ilegal na palitan ng liderato sa Senado.

Ayon kay PDP Deputy Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio, hindi sapat ang 12 boto upang legal na makapaghalal o makapagpalit ng Senate President. Aniya, malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution na kinakailangan ang mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado o hindi bababa sa 13 boto.

Nakatakdang kwestiyunin ng PDP sa Korte Suprema ang naging hakbang ng ilang senador na umano’y nagpalit ng liderato ng Senado sa pamamagitan ng boto ng 12 senador lamang.

Iginiit ng PDP na hindi maaaring gamiting batayan ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino vs. Cuenco noong 1949 sa ilalim ng 1935 Constitution. Ayon sa partido, binago na ang mga probisyon sa 1987 Constitution kaugnay ng pagpili ng liderato ng Senado upang matiyak na mayorya ng buong kapulungan ang maghahalal sa Senate President.

Nanindigan ang PDP na kinakailangan ang hindi bababa sa 13 boto ng mga senador upang legal na makapaghalal o makapagpalit ng liderato ng Senado, maging absent man, nakapiit, may sakit, nasa ibang bansa, o pansamantalang hindi nakadadalo sa sesyon.

Samantala, sinabi rin ng batikang abogado na si Atty. Ariel Inton na mahalagang maidulog sa Korte Suprema ang usapin sa quorum sa Senado dahil maaari umano itong maging isyu sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Atty. Inton, nakasaad sa Konstitusyon na kailangan ang two-thirds vote ng lahat ng miyembro ng Senado, o 16 boto, upang mahatulan sa impeachment case ang isang opisyal.

Binanggit din niya ang naging pahayag ni Senator Chiz Escudero at ang naging deklarasyon ni Sen. Tito Sotto hinggil sa bilang ng mga miyembro ng Senado na maaaring makaapekto sa interpretasyon ng quorum at voting requirements.

Aniya, magkakaiba man ang legal na opinyon ng mga abogado at politiko, ang magiging pinal na batayan ay ang interpretasyon ng Korte Suprema sa usapin.

(JULIET PACOT)

56

Related posts

Leave a Comment