LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS
MADALING magturo ng daliri kapag magulo ang kwarto. Mas madali ring maghugas-kamay at magkunwaring biktima kapag ayaw mong aminin na isa ka sa mga nagkalat. Ito mismo ang eksenang makikita natin ngayon sa Senado, kung saan ang tinaguriang “Minority Brats” ay tila may hawak na script ng walang-katapusang pagmamalinis habang ibinabato ang lahat ng sisi sa Majority Bloc. Pero kung susuriing mabuti ang takbo ng mga pangyayari, mapapailing ka na lang. Ang lakas makabintang, pero sila mismo ang may hawak ng mitsa ng tensyon.
Nang mag-walkout ang Minorty Bloc sa plenary, hindi raw nila inabandona ang sesyon, nang gawin ito ng Majority, labag daw sa rules. Ang tawag diyan—double standard. Double standard na nga sa tinakbuhang rule, double standard pa rin sa pagka-brat kapag ‘di nakukuha ang gusto.
Isinisisi ng Minority Brats sa Mayorya kung bakit may mga mahahalagang panukala ang hindi naipasa dahil sa dalawang araw na walang quorum ang sesyon. Hugas-kamay na naman! Ating itama ang kasaysayan: si Senate President Alan Peter Cayetano ay noong Mayo 11 lamang naging pinuno ng Senado.
Bakit ngayon lang nila inihahabol na ipasa ang mga panukalang ito sa natitirang ilang araw na lamang ng sesyon? Ang mga batas na ito ay dapat sana ay matagal nang natalakay at naipasa sa ilalim ng liderato ng dating Senate President na si Tito Sotto. Kung mayroon mang mga mahahalagang batas na naantala, malinaw na malinaw na kasalanan ito ng nakaraang pamumuno ni Sotto at hindi ng kasalukuyang liderato ni Cayetano.
Hindi sa magandang klima nagsimula ang pamumuno ni Cayetano dahil agad na binato ng mga banta ng kaso ang mga miyembro ng Mayorya. Nandyan ang pag-aresto kay Sen. Jinggoy Estrada, at ang mga banta na ipakukulong din sina Sen. Joel Villanueva, Sen. Chiz Escudero, at Sen. Rodante Marcoleta. Sinasalang at dinedepensahan lamang ng Mayorya ang mga ibinabato ng kanilang mga kritiko. Hindi natin masisisi kung tinututukan nila ang kanilang depensa dahil ito naman ang nararapat.
Ngayon, naantala ba ang trabaho ng Senado? Oo, pero sino ba talaga ang may gawa nito? Walang iba kundi ang Minority Brats.
Ang minorya ang nagpapasimula ng pasaring, personal na atake, at patutsadang labas sa paksang tinatalakay. Mas abala sila sa paggawa ng ingay para sa mga soundbites at social media pubmats kaysa magtrabaho. Sadyang sinusubukan nila ang pasensya ng mayorya.
Partikular sina Sens. Erwin at Raffy Tulfo na siyang tumatayong mga attack dogs. Akala mo ay kung sinong malilinis subalit nagtatago lang sa mga maaanghang na soundbites at personal na pag-atake kay SP Cayetano, na wala man lang paggalang sa katotohanang siya pa rin ang halal na Lider ng Senado.
Panay ang bida ni Sen. Ping Lacson na may dalawang senador mula sa Mayorya ang lilipat sa kanilang hanay para sila na ang maging bagong Majority. Ang tanong, nasaan? Kung totoong nasa kanila ang numero, bakit hindi sila mag-convene at pormal na palitan ang leadership? Ang katotohanan kasi ay hindi ito totoo at isang malaking bluff lamang.
Kung ako man ang nasa Majority, hinding-hindi ako lilipat sa Minority. Bakit? Dahil ang tunay na nais ng minorya ay pagtakpan ang mga isyu. Mas mabuting manatili sa Majority na matapang na hahalungkatin ang mga anomalya. Partikular na kapana-panabik dito ang kontrobersya sa flood control projects kung saan napakaraming sangkot ang hindi pa rin natalupan at nakakasuhan.
Takot ang Minority Brats na masimulan ang muling imbestigasyon sa flood scam dahil tiyak na mabubunyag ang katotohanan. Isa sa mga maugong na pangalan dito ay si Sen. Erwin Tulfo na Congressman pa lamang nang mangyari ang nasabing scam. Hindi natin maikakaila na malapit si Erwin kay Leyte Rep. Martin Romualdez at sa iba pang proponents ng mga proyektong ito.
Pati ang simpleng kawalan ng aircon sa banyo ng Senado ay naging pambansang isyu na isinisi nila sa Mayorya. Agad silang nag-drama at isinigaw na “pinatayan sila ng kuryente” upang gipitin sila. Ngunit nang suriin ang totoong nangyari, lumabas na nag-trip lang pala ang circuit breaker sa side ng GSIS building! Sino muli ang itinurong maysala? Siyempre, ang liderato pa rin ni SP.
Pati ang pag-vlog ni SP Cayetano ay hindi pinatawad at pilit na pinupuna ng minorya. Unang-una, hindi naman ito ngayon lang ginawa ni Cayetano. Araw-araw ay may vlogs na siya noon pa man para mag-ulat sa bayan. Siyempre, ngayong siya na ang Senate President, nadagdagan ang kanyang mga pagbabahagi dahil nais niyang direktang ipaliwanag sa publiko ang mga masalimuot na isyu sa Senado na pilit binabaluktot ng iba.
Sa totoo lang, kapag napanood mo ang mga vlogs na ito, isa lang ang masasabi mo, pure ang intensyon ni Cayetano. Ang kanyang mga paliwanag ay hindi gawa-gawa o script para sa pulitika, kundi nakaangkla sa batas at galing sa puso na ang tunay na layunin ay para sa kabutihan ng nakararami. Hindi nakapagtataka na kung sisilipin mo ang comment section ng kanyang mga video, baha ng suporta at pag-unawa mula sa mga ordinaryong Pilipino ang iyong makikita. Nakikita ng taumbayan kung sino ang nagtatrabaho nang tapat at kung sino ang nag-iingay lang para sa publisidad.
Sa Minority Brats, lalo na kina Senador Erwin at Raffy Tulfo, tama na ang mga below the belt na mga banat dahil hindi na ito nakatutuwa. Isyu ang inyong ipukol, at tiyak na sagot sa isyu rin ang inyong matatanggap mula sa Mayorya.
“Wala na po kayo sa radio broadcast; hindi na kayo mga anchor o host kundi mga mambabatas na. Senador na kayo.”
Itaas naman natin ang antas ng diskusyon sa loob ng Senado. Tama na ang mga mabababaw na soundbites na pinagpipiyestahan lamang sa social media para mag-trending. Maging matalino naman tayo, isyu ang ilatag sa mga debate, hindi personal na pag-atake, hindi sirang aircon, at hindi gawa-gawang kwento ng pang-aapi. Ang pag-iingay at pagmamalinis ay hindi na epektibo para itago ang sariling mga bahid; sa huli, ang katotohanan pa rin ang mangingibabaw
129 